Eto na ang pagbabalik ng FlipTop sa Mindanao! Tignan natin ang malupit na mga laban sa Pakusganay 7.
Kumusta na, Davao? Halos apat na taon na nung huling pumunta diyan ang FlipTop. Sobrang nakakamiss ba? Huwag kayo magalala dahil makakapanood na ulit kayo ng solidong mga battle live. Sa ikatlo ng Hunyo 2023 ay babalik diyan ang liga para sa ikapitong Pakusganay event. Merong walong laban: dalawa para sa Isabuhay, isang 2-on-2, isang duelo ng mga rookie emcee, at apat na non-tournament matchups na siguradong magpapayanig ng venue!
Ito’y magaganap nga pala sa The Dome sa NCCC Mall VP (J.P. Laurel Avenue Bajada, Poblacion District, Davao City, Davao Del Sur). May ilang araw pa bago ang bakbakan kaya gaya ng dati, pagusapan muna natin ngayon ang napaka tinding lineup. Kayo? Ano sa tingin niyo mangyayari? Sabihin niyo lang sa comments section. Simulan na natin ‘to…
Sixth Threat vs Shernan
Kakaiba ang matchup na ‘to! Pwedeng style clash o pwedeng maging digmaan ng purong lirisismo. Huwag na huwag niyong mamaliitin ang isang preparadong Shernan. Kung napanood niyo mga una niyang battle sa FlipTop ay alam niyong kaya niyang sumabay kung usapang letrahan at malakas talaga ang presensya niya. Maaaring maging seryoso siya dito kaya abangan nalang natin!
Marami ang naghintay at ngayon ay mangyayari na! Masasaksihan natin sa Pakusganay 7 ang pagbabalik ng 2019 Isabuhay Champion na si Sixth Threat. Nung finals pa yung huli niyang duelo kaya siguradong sabik siyang maka-battle ulit. Asahan natin ang kalidad na teknikalan at posibleng paghalo niya ng komedya. Syempre, sasabay din siya sa presensya sa entablado. Nakakaexcite!
Sayadd vs Invictus
Isa nanamang dream match na magiging totoo! Ito ay para sa first round ng 2023 Isabuhay Tournament kaya garantisadong paghahandaan nila ‘to. Parehas silang nakilala sa mabibigat na lirisismo at nakakasindak na delivery. Ang hirap sabihin kung sino ang mananalo dito pero ang sigurado ay makakarinig tayo ng mararahas na bara! Baka may ilang mga linya na hindi agad natin makukuha sa unang dinig dahil sa sobrang lalim. Parte ito ng kanilang stilo!
Siguro mas lamang nang konti si Invictus pagdating sa multis habang sa brutalan naman mas nananaig si Sayadd. Ganunpaman, ito yung mga battle na talagang expect the unexpected! Pwedeng pwede maging kandidato para sa battle of the year ‘to lalo kung todo preparado ang dalawang emcee. Grabe, goodluck nalang sa judges!
Plaridhel vs Bagsik
Para din ‘to sa Isabuhay Tournament. Oo, wala pa siyang panalo, pero hindi maitatanggi na palakas nang palakas ang mga linya ni Bagsik. Malay natin dito na niya talaga ibubuhos ang lahat. Makakaasa tayo ng mababangis na multi at masasakit na personals mula sa kanya pero posibleng magpakita rin siya ng kakaiba dito lalo na’t tournament battle ‘to.
Grabe ang improvement ni Plardihel nung mga nakaraan niyang laban at ngayong nasa Isabuhay siya, mukhang dito natin masasaksihan ang isang daang porsyento niya. Wala nang problema sa kanyang pen game. Ang kailangan nalang niya ay maging mas agresibo at mukhang gagawin niya ‘to! Hindi malabo na maging battle of the night ‘to kung parehas handa.
Frooz & Elbiz vs Mac T & G-Spot
Namiss niyo ba ang dos por dos? Hindi man ‘to tournament battle pero alam naman natin kung gaano ka-exciting lagi ang 2-on-2 matchups. Makakaasa ka ng bakbakan na laban mula sa tandem nila Frooz at Elbiz at Mac T at G Spot. Sa komedya lamang sila Frooz at Elbiz habang sila Mac T at G-Spot naman ang mas angat sa mga barang teknikalan. Halos pantay naman ang dalawang pares pagdating sa chemistry. Mahihirapan ang mga hurado dito lalo na kung preparado ang bawat emcee. Sana magsilbing inspirasyon din ito para magkaroon ng Dos Por Dos Tournament sa susunod na taon.
Plazma vs Nikki
Sobrang unpredictable nito! Nakilala si Nikki sa patok niyang komedya habang si Plazma naman ang binansagang pioneer ng horrorcore sa FlipTop. May kanya-kanya silang stilo pero kaya din nilang haluin ang iba’t ibang elemento sa mga berso nila. Masasabing dalawa sila sa pinaka well-rounded na emcee sa liga. Kung hindi sila magpapabaya, garantisadong magiging entertaining ito mula umpisa hanggang wakas. Posibleng makarinig tayo ng kakaibang mga anggulo at konsepto ng pagsulat.
Zend Luke vs Gameboy
Bagama’t sa jokes mas nakilala si Gameboy, hindi pa rin dapat maliitin ang kanyang kakayahan sa teknikalan. Pinatunayan niya ang galing niya sa purong lirikalan nung nakatapat niya si Manda Baliw. Si Zend Luke naman ay nananatiling isa sa pinakamahusay pagdating sa malalim at mapaminsalang letrahan. Maliban sa lirisismo, epektibo din talaga lagi ang kanyang delivery. Hindi malabong maging dikdikan ang duelong ‘to! Sana parehas silang handa.
JR Zero vs Dopee
2019 pa yung huling battle ni Dopee kaya malamang ay gusto niya ulit patunayan sa battle na ‘to na kaya pa rin niyang makipagsabayan. Benta kadalasan ang jokes niya at mahusay din siya sa agresibong lirisismo. Sana ay polidong materyal ang ipapamalas niya dito. Si JR Zero naman ay sobrang aktibo nitong mga nakaraang taon at kitang kita ang improvement niya bilang battle emcee. Mas lalo pa siyang gumaling sa tugmaan at klarong klaro lagi ang pag-bitaw niya. Kung lawakan pa niya ang kanyang mga anggulo, malaki ang tsansang mangibaw siya dito. Maging bakbakan na laban sana ‘to!
Sickreto vs JP
Dalawang emcee ang magrerepresenta ng Gensan sa gabing ‘to! Dahil ito ang debut battle nila sa liga, asahan niyong magpapakitang-gilas sila. Klarong delivery, solidong tugmaan, at umaatikabong mga wordplay at metapora ang maaasahan natin mula kay Sickreto at JP. Siguro kung sino ang mas handa at mas magpapakita ng bago ang magwawagi dito. Kung walang stumbles o anuman, huwag na kayo magulat kung maging show stealer itong battle.
WATCH: Pakusganay 6
500 pesos ang halaga ng pre-sale tickets habang 700 naman para sa walk-in. May kasama itong dalawang beer kaya sulit na sulit talaga. Para sa detalye tungkol sa pre-sale, puntahan niyo lang ang opisyal na pahina ng FlipTop sa Facebook. Ano, Davao? Game na ba? Magkita nalang tayo sa Hunyo a-tres, ha? Mag-ingay!