Marami ang nagulat nung nilabas ang malupit na lineup! Pagusapan natin ang Bwelta Balentong 11.
Nung Linggo ay nilabas na ng FlipTop ang poster ng Bwelta Balentong 11. Maraming fans ang nagsabi na mala Ahon daw yung event dahil sa kalidad ng lineup. Gaganapin ito sa ika-21 ng Setyembre 2024 sa bagong venue: sa Metrotent Convention Center sa Pasig. Ito ang pangalawang event sa Pasig, higit labing-apat na taon pagkatapos ng pinakaunang Ahon. Alam naman natin kung gaano ka-espesyal ang Ahon 1 kaya ang saya makita na buhay na buhay pa rin ang FlipTop hanggang ngayon.
Dito natin masasaksihan ang semifinals ng napaka exciting na Isabuhay Tournament. Kung bagong fan ka lang ng liga, madalas ay sobrang dikdikan ang semis. Meron ding 2-on-2, isang garantisadong teknikalan na laban, mga sagupaan ng creative sa komedya, at salpukan ng most viewed sa buong mundo. Ating pagusapan ang battles ng Bwelta Balentong 11.
Sinio vs Shernan
Kung merong titulo sa battle rap na hindi maitatanggi kahit ninoman, yun ay si Sinio ang numero uno at si Shernan at ikalawa sa most viewed battle emcees sa buong mundo. Patunay lang yan ng kanilang husay hindi lang sa pagsulat kundi pati sa mismong pag-rap. Ahon 13 pa yung huling laban ni Sinio at kahit talo siya, nandun pa rin yung suporta ng napakalaki niyang fanbase. Sa Ahon 14 naman natin huling nakita si Shernan at grabe yung performance niya dun.
Parehas silang banta pagdating sa komedya at sapul na rebuttals pero nakita din natin, lalo nung nakaraan, na kayang kaya din nilang sumabay sa brutal na linyahan. Bagama’t marami ang nagsasabing may gimmick o tema daw ang battle na ‘to, tingin namin ay hindi ganyan ang mangyayari. Oo, babanat pa rin sila ng jokes pero makakarinig rin tayo ng mga marahas na punchlines. Kaabang-abang ‘to!
GL vs EJ Power
Isa sa dalawang semifinals battle para sa sobrang unpredictable na Isabuhay Tournament. Patuloy na tinataas nila GL at EJ Power ang antas ng lirisismo sa battle rap kaya marami ang nag-aabang ng salpukan na ‘to. Nananatiling batikan si GL sa teknikal na mga bara pati sa pagbuo ng kakaibang mga konsepto at kung hihigitan pa niya ang pinakita niya nung Unibersikulo 12 ay tiyak na magiging malaking banta siya. Syempre, wag lang niya mamaliitin ang kalaban niya.
Benta na talaga ang jokes ni EJ Power kahit dati pa pero nung hinaluan niya ‘to ng konting kadiliman, ito’y lalo pang naging epektibo. Maliban sa kanyang dark humor, hanep din ang improvement ng kanyang tugmaan at teknikal na stilo. Bumibyahe si EJ sa Pilipinas mula US kada may laban kaya diyan palang ay litaw na ang determinasyon niyang mag-kampeon. Mukhang bakbakan ‘to mula una hanggang huling round!
SlockOne vs Vitrum
Para sa 2024 Isabuhay semifinals ulit. Ito ay laban ng dalawang most improved sa liga. Simula pa nung nakaraang taon ay umangat na ang sulat ni SlockOne at mas napansin pa ‘to nung laban niya kay Ruffian sa quarterfinals ng torneo. Kalidad na wordplays at mga metapora ang armas niya at isama mo pa ang polido niyang delivery. Palakas siya nang palakas at mukhang mas totodo pa siya pagdating sa semifinals.
Walang kupas pa rin ang teknikal na linya at mga politikal na anggulo ni Vitrum sa mga laban niya. Mas lalo pang bumagsik ang stilo niya nung dinagdagan niya ‘to ng komedya. Kakaiba yung paraan niya ng pagpapatawa at kita naman na bentang benta ‘to sa crowd. Gaya ni Slock, paangat nang paangat ang materyal niya at walang duda na mas lulupitan pa niya sa semis. Humanda sa dikdikang matchup!
M Zhayt vs Zend Luke
Kung hanggang ngayon ay hindi ka pa rin bilib sa kakayahan ni M Zhayt, isa kang ganap na hater. Pinatunayan ng 2020 Isabuhay Champion nung Second Sight 12 laban kay Emar Industriya na kaya niyang sumabay sa kahit anong stilo. Akala ng karamihan ay idadaan niya lang sa line mocking pero ginulat niya ang lahat sa pinamalas niyang leftfield na banat. Kasing talas ito ng nakasanayang atake ng mga manonood at dahil si Zend Luke ang katapat niya sa Bwelta Balentong 11, wag na kayong magulat kung magpapakitang-gilas ulit siya sa palaliman.
Kailanman ay hindi sumabay sa agos si Zend Luke pagdating sa sulatan. Taas noo niyang nirerepresenta ang balagtasan na stilo ng battle rap at patuloy niyang inaangat ito. Ang kailangan niyang gawin dito para magwagi ay mas tutukan ang haymakers at iwasan ang masyadong mahahabang set ups. Nagawa na niya ‘to dati kaya asahan natin na grabe din ang ipapakita niya dito. Humanda sa isang teknikalan na digmaan.
Hazky vs CripLi
Parehas man silang galing sa talo, marami pa rin ang humahanga sa kanilang kabuuang stilo. Kilala sila Hazky at CripLi sa kanilang mabisang jokes at mga anggulo pero pag kailangan magseryoso ay kayang kaya din nilang makipag wasakan. Hindi rin maitatanggi ang kanilang kumpyansa sa entablado at klarong delivery. Maaaring magiging well-rounded ito at dahil kilala rin sila sa pagiging laging handa, makakaasa tayo ng dikit na laban. Malay natin, baka maging battle of the night pa ‘to.
Manda Baliw vs Katana
Komedya pa rin ba hanap mo? Tiyak na magugustuhan mo ‘tong laban nila Manda Baliw at Katana. Tumatak sa mga underground na liga at ngayon ay nasa FlipTop na, bumenta agad ang creative na pagpapatawa ni Katana. Malamang ay may bagong pakulo nanaman siya dito. Ahon 14 naman ang huling beses nating napanood si Manda Baliw at kahit hindi siya nagwagi nun ay marami pa ring natuwa sa pinakita niya. Mas rekta ang komedya ni Manda at mas lamang siya nang konti kung padamihan ng punchlines ang usapan. Exciting malaman kung ano ang ipamamalas nila!
Caspher | Hespero vs Kenzer | Mimack
Ang pagbabalik ng Dos Por Dos battle! Pakusganay 7 pa yung huling 2-on-2 na laban kaya ang saya na magkakaroon ulit nito sa Bwelta Balentong 11. Magandang laban ‘to dahil malupit sila Caspher, Hespero, Kenzer, at Mimack sa pagbalanse ng komedya at teknikalan at nakakamangha ang rhyme schemes nila. Sila din ang mga bagong aabangan sa FlipTop ngayon kaya malamang ay totodo sila dito. Kung sinong pares ang mas may chemistry ang magwawagi sa labang ‘to.
Don Rafael vs Keelan
Kung ito nga ang unang battle ng gabi, pwes, tiyak na mabubuhay agad ang venue! Galing din sila Don Rafael at Keelan sa mga underground na liga at unang nagpakitang-gilas sa FlipTop nung Won Minutes Luzon 2. Bwelta Balentong 11 ang unang beses nilang sasampa sa big stage. Parehas silang epektibo magpatawa at kaya ding mandurog gamit mga malalalim na bara. Litaw din ang kanilang kumpyansa sa delivery kaya tingin namin ay mahusay ang ipapakita nila dito.
READ ALSO: Let’s Take It Back: Bwelta Balentong 1
Para sa presale tickets, 1250 pesos ang presyo ng VIP habang 850 pesos naman sa GenAd. Para sa walk-in, 2000 ang VIP at 1500 ang GenAd. May kasamang isang libreng FlipTop Beer ang bawat ticket. Mag-PM sa pahina ng FlipTop sa Facebook kung nais mong bumili ng presale. Mag-aanunsyo din sila diyan tungkol sa iba pang mga tindahan na pwede mong mapagbilhan ng tickets. Ano mga prediksyon niyo sa event na ‘to? Sabihin niyo lang sa comments section. Sa mga siguradong pupunta na, magkita nalang tayo sa Setyembre 21 at sama-sama maging parte ng kasaysayan. Bwelta Balentong 11, mag-ingay!