Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Unibersikulo 11

Sa ika-15 ng Oktubre ay gaganapin ang susunod na event ng FlipTop! Habang naghihintay, ating I-rebyu ang matinding lineup ng Unibersikulo 11!

Anonymous Staff
September 20, 2022


   Tuloy pa rin ang FlipTop sa pagbigay sa atin ng mga malulupit na duelo. Sa Oktubre 15 ay gaganapin ang pang labing-isang kabanata ng Unibersikulo sa Tiu Theater. May pitong laban at dalawa dito ay para sa semifinals ng 2022 Isabuhay Tournament. Kung titignan mo ang lineup, mukhang purong lirikalan ang mangyayari sa gabing ‘to!

   May ilang linggo pa bago ng event, kaya talakayin muna natin ang napaka bangis na matchups. Hindi na kami maniniwala kung hindi ka na-hype dito. Marami dito ang maaaring maging kandidato ng battle of the year! Wag na natin pahabain pa. Simulan natin sa pinaka taas ng poster…

Pistolero vs Goriong Talas

   Isa sa dalawang semifinals battle para sa Isabuhay! Si Pistolero ang perpektong halimbawa ng emcee na may balanse na stilo. Seryoso man o patawa, nagagawa niyang epektibo ang bawat binabato niyang bara. Hindi rin mapagkakaila ang kanyang husay sa pag-rebutt. Madalas ay nawawalan ng bisa ang anggulo ng kalaban dahil naibabalik niya ito. Posibleng makuha niya ang panalo basta’t hindi siya mag-choke.

   Huwag na huwag niyo tutulugan si Goriong Talas. Nananatiling mabangis siya sa teknikalan pero marunong na din siyang sumabay sa komedya ngayon. Marami ang natuwa sa nakaraang performances niya at kung mas hihigitan pa niya ang mga ‘to, baka sa kanya mapunta ang boto ng mga hurado. Parehas sila ni Pistolero na may kumpyansa sa entablado, kaya siguradong hindi magiging matamlay ang duelo na ‘to. 

Poison13 vs Luxuria

   Pangalawang semifinals battle, at kaabang abang din! Kung hindi mo pa napapanood mga huling battle nila, panoorin mo na nang makita mo kung gano kalaki ang kanilang improvement sa sulat pati sa performance. Mas brutal si Poison13 ngayon pero nandun pa rin yung galling niya sa teknikalan. Pagdating naman sa presensya, ito yung taon na talagang pinakita niya nang buo ang kanyang kumpyansa. Asahan niyong maghahanda siya para sa labang ‘to.

   Dumami lalo ang mga humahanga kay Luxuria at karapat dapat naman ito. Naging hadlang niya dati ang makalimot ng mga linya pero mukhang natanggal na niya. Unang round palang ng tournament ay litaw na ang solido niyang pen game. Laking gulat ng marami nung tinalo niya si Harlem sa quarterfinals. Pinatunayan niya na mas epektibo na ang stilo niya ngayon. Kailangan talagang maghanda ng kalaban niya.

Sayadd vs GL

   Hindi para sa Isabuhay pero parang ganun na din! Ito ay digmaan ng dalawa sa pinaka lirikal sa liga. Lamang si GL kung ang usapan ay pag-buo ng mga anggulo pero kung intensity, mahirap tapatan ang agresyon ni Sayadd. Kung lirisismo naman ang paguusapan, halos pantay lang sila. Parehas silang malaro sa tugmaan at madalas ay may napapakita silang bago. Goodluck sa mga magiging hurado ng laban na ‘to!

Plazma vs Zend Luke

   Horrorcore laban sa leftfield na lirisismo! Magkaiba ang nilalaman ng sulat nila pero parehas silang may nakakasindak na presensya. Hindi rin maitatanggi ang galling nila sa mga teknikal na bara. Lamang si Plazma kung ang usapan ay pagiging balanse habang si Zend Luke naman ang mas may advantage pagdating sa lalim ng mga linya. Garantisadong dikdikan ‘to at naka depende sa panlasa ng hurado kung sino ang mananalo.

Asser vs CripLi

   Dalawang nagbalik ngayong taon at nag-iwan agad ng marka sa huli nilang laban. Si Asser at CripLi ay kilala sa kanilang mga creative na anggulo at mahusay na pag-halo ng malalim at nakakatawang mga bara. Mas gamay ni Asser ang flow at multis habang sa bigat ng punchlines naman llamado si CripLi. Unpredictable ito sa totoo lang at posibleng mahirapan ang mga hurado lalo na kung handa ang dalawa. Kaabang abang!   

Yuniko vs C-Quence

   Lirikalan ulit! Parehas nakilala sa FlipTop dahil sa kanilang nakakabilib na tugmaan at husay sa samu’t saring metapora. Nasasabayan din nila ang anumang diskarte ng kalaban, kaya malaki ang posibilidad na dikit ‘to mula una hanggang ikatlong round. Dahil galling sila sa talo, asahan niyo na gagawin nila ang lahat dito para makabawi. Kung sino ang mas magpapakita ng gigil, yun ang mananalo!

Bagsik vs Manda Baliw

   Unang laban ni Manda Baliw sa liga! Tumatak agad ang kanyang kakaibang stilo ng komedya pagkatapos magpakitang-gilas sa FRBL at Sunugan. Siya yung tipong kahit gaano kaseryoso ang kalaban ay balewala pa rin sa baon niyang jokes. Pang walong battle na ni Bagsik sa FlipTop at siguradong isa lang ang nasa isip niya ngayon: makuha ang una niyang panalo. Pwede tong mangyari kung masabayan niya ang kwelang atake ni Manda Baliw habang nananatili ang malupit niyang multis at personals. Magandang pang pagana ng crowd lalo na kung ito nga talaga ang unang laban ng gabi!

   500 pesos ang halaga ng pre-sale tickets habang 700 naman para sa walk-in. Parehas may kasamang isang libreng beer. Magpadala lang ng PM sa pahina ng liga sa Facebook kung nais mong kumuha ng pre-sale. May mga tindahan din na magbebenta. Abangan nalang ang anunsyo ng liga tungkol dito. Dun naman sa mga nakabili na, kita kits tayo! Sobrang excited na din kami! 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT