Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Bwelta Balentong 9

May FlipTop event sa ikatlo ng Setyembre! Talakayin natin ang matinding lineup ng Bwelta Balentong 9.

Anonymous Staff
August 16, 2022


   Markahan niyo na ang kalendaryo niyo! Sa Setyembre 3 na ang ika-siyam na kabanata ng Bwelta Balentong. Pitong laban ang magaganap at apat dito ay para sa Isabuhay Tournament 2022. Siguradong bakbakan nanaman ang masasaksihan natin sa gabing ‘to! Gaya ng mga naunang events sa Metro Manila ngayong taon, sa Tiu Theater ulit ang venue.

   May ilang linggo pa bago ang paligsahan kaya habang tayo’y naghinintay, talakayin muna natin ang mga duelo. Sa mga humuhusga sa lineup, mas mabuti pang abangan niyo nalang at huwag agad magsalita! Malaki ang posibilidad na maging makasaysayan ang bawat laban. Mag-simula na tayo!

Pistolero vs Castillo

   Isa sa apat na battle para sa Isabuhay Tournament. Kaabang abang ito dahil parehas silang magaling bumalanse ng stilo. Kaya nilang ipaghalo ang komedya at seryosohan at parehas may kumpyansa sa entablado. Lamang syempre si Pistolero kung experience ang pag-uusapan, pero syempre, huwag nating tulugan si Castillo. Ilang beses nang nangyari sa liga ang mga di inaasahang resulta. Exciting ‘to!

Poison13 vs Elbiz

   Isabuhay ulit! Parehas din silang magaling sa teknikalan pati sa katatawanan at grabe yung pinakita nila sa nakaraang mga laban. Mas may experience si Elbiz sa pag-battle, pero ilang beses na pinatunayan ni Poison13 na kaya niyang makipag sabayan, beterano man o baguhan. Asahan niyo rin na mas agresibo pa ang delivery nila dito. Pwedeng maging battle of the night kung walang magpapabaya!

Goriong Talas vs JDee

   Laban ng dalawa sa pinaka agresibo sa liga. Syempre, maliban sa delivery, hindi din mapagkakaila na grabe ang pen game nila Goriong Talas at JDee. Parehas brutal at minsan ay bumabanat din sila ng mga patok na komedya. Kung parehas silang isang daang porsyento, siguradong mahihirapan ang mga hurado dito. Para din pala ‘to sa Isabuhay kaya malamang ay paghahandaan nila ‘to.

Harlem vs Luxuria

   Isabuhay matchup na pwede ding maging battle of the night! Kilala si Harlem at Luxuria sa kanilang kumpletong stilo: solidong pen game, malakas na presensya sa entablado, at epektibong delivery. Garantisadong bakbakan ‘to basta’t wala lang magpapabaya sa kanila. Asahan niyo rin na maraming mga anggulo dito na bebenta sa mga manonood. 

Damsa vs CNine

   Pagusapan naman natin ang mga non tournament battles. Unahin natin ang engkwentro nila Damsa vs CNine. Kaabang abang ito dahil parehas silang epektibo ang jokes at mga teknikal na linya pero magkaiba ang atake. Mas gamay ni Damsa ang flow habang si CNine naman ay mas rektahan ang pag-deliver ng mga linya. Kung parehas silang consistent, makakaasa kayo ng sobrang dikit na duelo.

SlockOne vs LilStrocks

   SlockOne vs LilStrocks: laban ng dalawang pinaka malupit sa komedya ngayon. Maliban sa mga linya, creative din ang dalawa sa pagpili ng mga anggulo. Siguradong may mga kwento sila tungkol sa 3GS na papatok sa audience. Maaaring maging classic ‘to kung mananatili silang isang daan porsyento. Posible din na may mag teknikal sa kanila para gawing mas exciting ang laro.  

JR Zero vs Illtimate

   Sa mga mahilig sa purong lirikalan diyan, para sa inyo ‘to! Mas umusbong sila JR Zero at Illtimate sa liga nung quarantine battles era at ngayon magtatanghal na sila sa harap ng crowd, garantisadong mas gagalingan pa nila. Sa flow at multis lamang si JR Zero habang mga anggulo at metapora naman ang nananatili kalakasan ni Illtimate. Ganunpaman, makakaasa kayo ng panibagong atake sa kanila. Goodluck sa mga hurado! 

   500 pesos ang presyo ng pre-sale tickets habang 700 naman ang walk-in. Parehas may kasamang libreng beer. Mag-PM lang sa opisyal na pahina ng liga sa Facebook kung gusto niyong bumili ng pre-sale. Kita kits nalang tayo sa Setyembre 3 at enjoyin natin ang mga battle. Bwelta Balentong 9, mag-ingay!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT