Music Reviews

Various Artists - Kolateral (Album Review)

Track-by-track review ng compilation album na "Kolateral". Ginawa itong LP upang ipakita ang mga karumal-dumal na nangyayari sa "war on drugs" sa bansa.

Ned Castro
November 29, 2021


   Nilabas nung ika-29 ng Hunyo 2019 ang album na pinamagatang “Kolateral”. Dito nag sama-sama ang ilang mga lokal na artists upang ipamahagi ang mga masasakit na katotohanan tungkol sa napaka kontrobersyal na gera laban sa droga dito sa bansa. Maliban sa mga emcee, nag ambag din ng mga piyesa ang mga mahuhusay na mang-aawit. 

   Bawat kanta ay sinusuportahan ng higit dalawang taon na pananaliksik. Kabilang na dito ang media reports pati mga interbyu sa mga miyembro ng iba’t ibang komunidad na naging saksi sa madugong digmaan na nangyayari pa rin ngayon. Nag tagumpay ba ang album na ‘to sa pag hatid ng mensahe? Alamin dito sa aming track-by-track review.

 1. Makinarya

   Para sa unang kanta, tinalakay nila BLKD at Calix ang extrajudicial killings o “tokhang” mula sa mata ng mga nakaupo sa pwesto. Nandun ang chemistry nilang dalawa at damang dama ang kanilang nakaka pangilabot na delivery. Sobrang epektibo rin ng kanilang rektahang pag-susulat. Pinatunayan nila na hindi mo na kailangan magpa teknikal masyado para iparating ang mensahe. 

   Si Calix at Serena DC ang nag-likha ng beat para dito (pati sa buong album). Magaling yung ginawa nilang papalit palit na tunog. Mas na-highlight ang bawat berso ng mga emcee at dumagdag pa ‘to sa unpredictability ng awitin. Madarama mo rin ang galit ng mga artist sa instrumental palang.

2. Boy

   Nag sanib pwersa si BLKD at ang grupong Kartelle’em upang ipamalas ang galing nila sa storytelling. Ang “Boy” ay tungkol sa mga batang kalye na napatay dahil napag kamalan lang sila na adik. May karakter na ginampaman ang unang tatlong rapper at yung ika-apat naman ang nag-silbing konklusyon ng istorya. Solido ang pag-gamit ng imagery dito. Para pinapanood mo yung mga kaganapan habang pinapakinggan ang kanta. Pang hype yung beat nito, pero magandang pambalanse siya sa seryoso na tema.

3. Distansya

   Isang mabigat na kwento tungkol sa isang OFW na nadamay ang anak sa war on drugs. Si Muro Ami ang nag-rap habang si 霏 naman ang humanta sa koro. Gaya ng mga naunang kanta, klaro ang imaheng ginuhit ng mga berso ni Muro Ami. Kung isa ka ring OFW, malaki ang tsansa na maluluha ka dito. Mas naging makabagbag-damdamin pa ang “Distansya” dahil sa makapangyarihang koro at mapanglaw na produksyon.

4. Papag

   Ito ang pagsasadula ni Calix ng isang mahirap na pamilya na bigla nalang pinasok ng mga pulis at pinag babaril ang ama (na napagkamalang adik). Maririnig mo ulit dito ang husay ng rapper sa pag-kwento. Detalyado ang bawat eksena na para bang nandun ka mismo sa loob ng tahanan at nakikita ang mga pangyayari. 

   Nakakakilabot din ang biglang pag-palit ni Calix ng boses sa bandang huli. Nagsilbing simbolo ito ng madilim na tadhana ng pamilya. Kuhang kuha naman ng beat ang malagim na konsepto ng kanta. Kung tingin mo na ito’y kathang isip lang, abangan mo ang snippet ng isang interbyu pagkatapos ng mahabang berso. 

5. Giyera na Bulag

   Nag sama si Calix at Tatz Maven upang ibunyag ang isang masakit na katotohonan ng drug war: maraming mga inosenta ang nadadamay dito. Hindi lang talento sa pag-sulat ang pinamalas nila dito, kundi pati ang kanilang malupit na flow. Nasakyan nila nang walang kahirap hirap ang Trap na beat. Pagdating naman sa tema, rekta at hindi masyado komplikado ang mga tugmaan. Ayos yung ganito para mas makuha ng lahat.

6. Hawak

   Hindi man ‘to rap, makapangyarihan pa rin ang “Hawak” na kinanta ni Tao. Tungkol naman ‘to sa magkasintahang gipit sa buhay na nabiktima ng tokhang kahit hindi sila sangkot sa bawal na gamot. Tiyak na mamamangha ka sa boses ni Tao pati sa kanyang simple pero detalyadong lirisismo. Madarama mo rin ang emosyon ng kanta mula sa malungkot nitong tunog. 

7. Pagsusuma

   Sa ikapitong kanta na nag ngangalang “Pagsusuma”, nagbigay si BLKD ng mga statistics tungkol sa tokhang. Siguradong maaalarma ka sa dami na ng mga napatay sa digmaang ito. Sa huli ay tinanong ni BLKD kung ito nga ba talaga ang tamang solusyon. Magaling ang pag-sulat at pag-buga ng mga rima, at nasabayan din ang Trap na instrumental.  

8. Neo-Manila

   Ang “Neo-Manila” ay tungkol sa EJK mula naman sa perspektibo ng mga pumapatay. May Horrorcore vibe ang kanta dahil sa klarong pagsasadula ng karahasan ni BLKD at synths na maririnig mo sa mga lumang nakakatakot na pelikula. Kalmado ang delivery ng emcee. Posibleng ginawa yun bilang metapora sa walang awang pag paslang. 

9. Parasitikong Abusado

   Sa “Parasitikong Abusado”, bumitaw ang 1Kiao (Lanzeta, Invictus at Prolet) at si WYP ng mga bara laban sa mga namumuno. Walang istorya ang kantang ‘to. Nilabas lang ng mga artist ang kanilang hinaing sa lirikal na paraan. Siguradong bibilib ka sa double time nila Lanzeta at Invictus. Maliban sa walang kupas na flow nila, mararamdaman mo rin ang galit nila sa kanilang mga linya.

    Hindi rin dapat tulugan ang sulat ni Prolet. Mas mabagal man ang pag rap niya, pinakita naman niya ang kanyang galing sa multis at ang malawak niyang bokabularyo. Si WYP naman ang bumanat sa koro, at gaya ng mga luma niyang kanta, pinamalas niya ang kanyang talento sa pag kanta. Bawat isa ay bumagay sa agresibong beat.  

10. Walang Maiiwan

   Tokhang ulit ang konsepto ng “Walang Maiiwan”. Nag rap si Calix dito mula naman sa mata ng mga pamilya ng mga nabiktima ng EJK. May kaunting bahid ng positibo ang kantang ‘to dahil kahit madugo ang dinanas ng mga taong nabanggit, patuloy silang lalaban para sa pag babago. Muli, natural si Calix sa pag bitaw sa Trap na tunog at malinaw na malinaw ang nais na ipahatid na mensahe. 

11. Stand By

   Sa “Stand By”, kwinestiyon nila BLKD, Calix, at WYP ang batas na kung saan aarestuhin ang mga tumatambay sa labas. Ginanpaman nila ang papel ng mga lakwatsero at pinaliwanag nila na wala naman silang masamang pakay. Ang dapat problemahin ay yung mga tunay na kriminal. Agresibo ang beat ng kanta, kaya garantisadong mapapa hype ka dito. Epektibo rin ang chant-style na koro na madalas marinig sa old school Hiphop.  

12. Sandata

   Para sa huling kanta, nag sama-sama sila Calix, BLKD, Lanzeta, Because, Pure Mind Quiet Heart, Muro Ami, Kiyo, Bang Boss, at Promote Violence. Ang “Sandata” na siguro ang pinaka galit na piyesa sa album. Bawat isa ay nag labas ng poot sa gobyerno. Garantisadong ma-tri-trigger ang mga solidong follower ng pangulo dahil walang preno ang mga kataga dito. Meron pang mga nag banggit mismo ng pangalan. Maraming mga brutal na linya at yung koro ay may old school vibe din. Magaspang ang beat, kaya kung taga hanga ka ng hardcore rap, magugustuhan mo ‘to.

   Ang tanging kritisismo lang dito ay may ilang mga berso na “generic” ang dating. Kung baga parang bumitaw lang ng mga masasakit na salita na walang paliwanag. Ganunpaman, swak na panapos ‘to sa album at dito mo talaga mararamdaman ang dedikasyon nila sa rebolusyon.

Konklusyon:

   Kung hindi ka sang ayon sa mga pananaw dito, siguradong mapapaisip ka pa rin. Maaaring mag tulak sayo ang album na ‘to para mag research pa lalo tungkol sa kasalukuyang war on drugs. Dun naman sa mga naniniwala, ito ay magandang inspirayon para bumangon at ipaglaban ang karapatang pantao. Anuman ang panig mo sa isyu, hindi mo mapagkakaila na kailangan mapakinggan ‘to ng lahat. Huwag lang umasa lagi sa mga nakikita sa telebisyon o social media. 

   Tama lang na nanatiling simple ang pag-akda ng mga liriko. Dahil dito ay mas klaro ang mga pinupunto ng mga kanta at mauunawan agad ‘to ng bawat makikinig. Tulad ng sinabi sa “Makinarya”, ito yung tipo ng proyekto na hindi na kailangan mag malalim masyado. Nakakabilib rin talaga ang produksyon. May ilang mga piyesa na nag eksperimento sila Calix at Serena DC at ang resulta ay mga tugtugin na hindi mo basta-basta makakalimutan.

   Saludo sa tapang ng mga artist na kabilang dito. Ipagpatuloy niyo lang ang laban gamit ang sining at sana’y marami pang mamulat. Sa mga pamilya naman na naapektuhan ng karasahan, huwag kayong mag alala. May mga kakampi kayo sa pagkamit ng hustisya. Ito ang mga site kung saan niyo pwede pakinggan ang Kolateral nang buo:

Spotify

Soundcloud

Bandcamp

Mediafire

Google Drive

Dropbox

Apple Music

YouTube



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT