From A Fan's Perspective

Zoning 14 Experience (Mula Sa Isang Fan)

Ipinamahagi samin ng isang taga hanga ng battle rap ang kanyang karanasan nung nakaraang Zoning event.

Alfred David
July 22, 2022


Bago ng event:

   Mga alas singko na nung pumunta ang dalawang tropa ko sa bahay. Loko sila! 3PM usapan namin tapos alas singko dumating. Ano nga ba ang sinasabi sa mga late? Lol! Ayun, asaran muna tapos nag book na kami ng Grab. Sobrang excited kami dahil ito una naming event mula nung pandemya. Pinaka huling napanood namin ay Ahon 10 pa. Dapat talaga pupunta din kami nung Second Sight 10 kaso may nilagnat kasi dito sa bahay (false alarm lang pala buti naman). 

   Nasa bandang Ortigas na ata kami nung biglang bumuhos yung ulan. Ang lakas badtrip! Naging trapik tuloy! Buti nalang pumayag yung drayber na magpatugtog kami sa radyo niya. Kendrick yung soundtrip kaya hindi gano uminit ulo namin.  Ang bagal gumalaw ng mga kotse kaya pinagusapan muna namin yung lineup ng Zoning 14. Nakakatawa kasi FlipTop fan din pala si kuya drayber kaya nakikwento din. Niyaya namin siya kaso hanggang alas dose pa raw siya babyahe. Bandang alas siyete na kami nakarating sa Makati Cinema Square. Ang tindi pa rin nung ulan kaya tumakbo nalang kami patungo sa mall.

Mismong event:

   Masasabi kong muntikan na talaga ako maiyak nung nakita ko entrance ng Tiu Theater. Nung kasagsagan kasi ng pandemya akala ko na hindi na ulit babalik sa normal ang lahat. Oo, may virus pa rin ngayon, pero ang mahalaga ay hindi na kasing lala ng dati dahil may mga bakuna na. Konting tiis nalang! Pinaka una kong ginawa pag pasok ay kumuha ng beer gamit ang stub sa ticket! Nakakamiss uminom sa labas! Isang lagok tapos dumiretso na kami sa audience area. Hindi ko maipaliwanag kung gano kami kasaya na makita ang crowd. Nakakatuwa din makita na lahat ng nandun ay nagsusuot pa rin ng mask. Nung nagsimula na yung opening remarks ni Anygma, dun na nag sink in sa amin na “pare, may live events na ulit!”

   Pito ang battles nung gabing yun. Gusto ko mang pag usapan isa-isa pero mas mabuti na siguro na abangan niyo nalang sa YouTube. Iwas spoiler na din. Ang masasabi ko lang (pati mga kasama ko) ay Elbiz vs Zend Luke ang battle of the night. Style clash talaga at hindi na kami magugulat kung marami mag-aaway sa comments kasi ito yung laban na naka depende sa panlasa ng manonood. Si Elbiz yung mas may mga derektang suntok tapos si Zend naman yung mas teknikal at malaro sa rima. Parehas silang todo bigay sa pag deliver kaya ramdam mo yung dedikasyon nila!

   Tingin namin ay nangyari naman ang lahat ng mga inaasahan ng tao sa Jonas vs Sirdeo. Yung umakyat palang sila sa stage na naka costume sobrang wild na eh! Komedya yung duelo at sumakit naman ang tiyan namin sa kakatawa. May rounds lang si Sirdeo na ang haba masyado pero entertaining pa rin naman. Hindi biro yung creativity niya. Ganun din si Jonas. Mahusay talaga siya sa pag analisa ng stilo ng kalaban sa nakakatawang paraan.

   Ngayon, sino naman ang masasabi namin na performance of the night? Si CripLi! Ibang CripLi yung mapapanood niyo dito. Bumanat pa rin siya ng jokes pero mas nanaig yung pagiging seryoso niya. Sunod-sunod na punches, wordplay, at metapora ang ipinamahagi niya. Basta, marami ang magugulat pag lumabas na ang video! Etong mga nabanggit namin ang pinaka tumatak pero huwag niyo rin tulugan yung ibang battle. Solido din yung mga yun!

Pagkatapos:

   Hindi na kami nakakuha ng anumang litrato dahil sa totoo lang ay manghang mangha pa rin kami sa mga nangyari. Kahit break ay nakatutok pa rin kami sa entablado pinapanood si DJ Supreme Fist. Ang gusto lang namin ay namnamin ang bawat minuto ng event. Muntikan nang mawala ang mga ‘to nang tuluyan nung 2020 kaya simula nun ay I-eenjoy na namin nang mas todo pa ang mga susunod na okasyon. Pag labas ng Makati Cinemta Square ay kumain muna kami sa McDo sa tabi bago umuwi. Mga hanggang alas tres ng madaling araw kami dun dahil pinagusapan pa namin yung mga laban. Ang masaya ay may mga nakilala kami dun na nanood din at nakakausap na namin sila madalas ngayon sa online. Sa susunod ay sabay-sabay na kami pupunta. Maraming salamat sa buong FlipTop staff para sa napaka saya na gabi! Aabangan namin ang kumpletong detalye ng August 20 event!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT