From A Fan's Perspective

Ang Gusto Naming Makita Sa Bagong Emcees (Mula Sa Isang Fan)

Sa mga makakapasa sa darating na #POI7 tryouts, eto ang gustong makita sa inyo ng isang solidong fan.

Alfred David
February 24, 2023


   Palapit na nang palapit ang deadline ng submission of entries para sa Process of Illumination 7 Remix! Excited na kami mapanood ang bagong henerasyon ng emcees sa FlipTop. Goodluck syempre sa lahat ng mga nagpasa. Kung sino man ang mga opisyal na makakapasok sa liga, asahan niyo ang buong suporta namin. Para naman sa mga hindi mapipili, kapit lang tol! Kung mahal mo talaga ang kultura ay magpapatuloy ka pa rin, diba? Baka swertehin ka na sa susunod.

   Bilang matagal nang taga hanga ng liga, meron kaming mga inaasahan sa bagong batch ng rappers na darating. Ito yung mga gusto namin makita sana sa kanila kapag tumapak na sila sa entablado ng battle rap. Dahil siguro sobrang tagal na naming nanonood ng mga battles kaya nag-iiba na din ang pananaw namin sa kung ano talaga ang magaling na emcee. Nung una ay basta “malalim” ang sulat o puno ng wordplays at metaphors ay malakas na agad. Pagkatapos namin madiskubre ang iba’t ibang stilo ng rap sa mga sumunod na taon sa liga ay unti-unting nagbago ang pamantayan.

   Una sa lahat, importante pa rin talaga ang delivery. Balewala ang sobrang lakas na punchline kung walang kabuhay-buhay ang iyong pagbuga. Minsan naman ay merong mga bara na sakto lang pag nabasa mo pero pag maganda ang pagbigkas sa live ay mapapa “woah!” ka. Hindi ibig sabihin nito na dapat laging pa-sigaw o maangas ang banat mo. Ang kailangan lang ay klaro ka, swak yung timing, at naaayon ang delivery sa nilalaman o emosyon ng iyong sinasabi. Kung todo sigaw ka lang nang sigaw kahit wala pang punchline ay baka maubusan ka na ng boses nun. 

    Oo, para samin ay malupit pa rin ang teknikalan na pag-rarap pero hindi ibig sabihin na ayaw na namin sa ibang diskarte ng pag-sulat. Ang pinaka importante ngayon, sa tingin namin, ay ang pagiging well-rounded. Kapag puro lirikalan o kaya puro katatawanan lang ay dun na magiging boring ang laro. Mas maganda kung kaya ng emcee maging flexible sa stilo. Isipin mo nalang tipong pag tatapak ka sa stage tapos excited lagi ang mga tao sa ibabanat mo dahil unpredictable ka. Ang saya nun!

   Labing-tatlong gulang na ang FlipTop kaya napakadami nang naganap na laban dito at samu’t saring emcees na ang nakilala natin. Dahil diyan, isa pang importante ngayon ay kung paano ka mag-sa-standout. Sige, marunong kang tumugma at alam mo yung basics ng battle rap, pero kung gagayahin mo lang kung ano ang uso o pinaka epektibo, wala ding dating kahit manalo ka pa. Mas malaking tagumpay pa rin yung may maiiambag ka sa buong kultura ng hip-hop mismo. Ngayon, paano ka nga ba magiging “game changer” sa larangan na ‘to? Yan yang pinaka unang challenge sayo.

   Dito na sasang-ayon ang lahat sa amin: preparado dapat ang emcee sa bawat laban. Sayang naman yung pagpasok mo sa pinaka malaking liga sa mundo kung magpapabaya ka lang. Isipin mo din yung ticket na binayaran para mapanood ka live o yung oras na pinaglaanan para masaksihan ka sa YouTube. Nakakadismaya pag merong nawawala o tuluyang nag-cho-choke sa rounds niya. Mag-praktis nang mag-praktis at hasain din ang galing sa freestyle para maiwasan talaga ang stumble.

   Ayun lang naman ang gusto namin. Kung may nais pa kayong idagdag o kung hindi kayo sang-ayon, malaya kayong magsabi sa comments section. Oh pano? Magkita nalang tayo sa Process of Illumination pati sa mga susunod pang events. Mukhang marami tayong aabangan ngayong taon. Antayin nalang natin ang announcements!

READ ALSO: Ilang Mga Paalala Tungkol Sa Process of Illumination 7 Remix
SEE ALSO: Process of Illumination 7 Remix Tryouts Form



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT