Lagpas isang dekada na ang FlipTop, ngunit marami pa rin ang hindi pa nakakaintidi sa galawan nito. Ito ang walong maling akala tungkol sa liga.
Malapit nang mag labindalawang taong gulang na ang FlipTop, ngunit marami pa rin ang mga may maling perspektibo tungkol dito. Sa comment boards palang ay makikita mo na kung sino ang hindi pa lubos kilala ang liga. Kaya kung isa ka sa kanila, hayaan niyo kaming linawin sa iyo ang ilang mga bagay-bagay. Ito ang 8 sa mga pinaka malaking misconceptions tungkol sa FlipTop.
8. Puro mura at kabastusan lang
Ayon sa mga outsider, walang aral na mapupulot sa mga laban na nagaganap sa liga. Tingin nila na pagmumura at pambabastos lamang ang alam ng mga emcee na kasali. Bagamat may ilang duelo na ganyan ang tema, marami rin ang nagsilibing inspirayon sa mga batang manunulat. Hindi na natin kailangan lumayo pa, panoorin mo ang engkwentro nila Ilaya at Emar Industriya noong Ahon 8 at tiyak magugulat ka sa makikita mo. Walang murahan o personalan na naganap, nagpamalas lang ang dalawang makata ng kanilang husay sa sariling wika. Nandiyan din sila BLKD, Kregga, Kial, Invictus, Lanzeta, at marami pang iba.
Kung pinupuna mo si Batas hanggang ngayon dahil sa kanyang pagmumura, halatang hindi ka updated sa eksena. Napaka tagal na nung huling beses niyang binanggit ang salitang “p*tangina mo!” Ipinakita rin niya sa mga nakaraang laban ang kanyang ang galing sa pag-flow at pag-buo ng mga kumplikadong rima na walang halong mga personal na banat.
7. Magulo ang mga event
Akala ng mga hindi pa nakakanood live na madalas nauwi sa away ang mga event ng FlipTop, lalo na kung mainit ang mga laban. Napakalayo niyan sa katotohanan. Oo, nagkaroon na ng mga gulo dati, pero iyon ay naganap sa labas ng venue o kaya naman ay naawat agad. Ang madalas pang sangkot sa mga yan ay hindi yung mga emcee mismo kundi mga kasamahan nila. Maayos na ang lahat ngayon at palaging umuuwi ang mga manonood na may ngiti sa mukha. Kung mayroon man mag-tangkang manggulo ulit, lagot siya sa tatay ni Frooz!
6. Mayayabang ang mga emcee
Kung hindi mo kilala ang mga FlipTop emcees sa personal, may possibilidad na negatibo ang tingin mo sa kanila. Walang duda na agresibo kung mag-tanghal ang mga makata sa liga, pero hindi ibig sabihin nun na sila ay salot ng lipunan kaagad. Pagbaba ng entablado, halos lahat sa kanila ay kalmado lang at marunong pa ring rumespeto. Makikita mo naman yan kapag sila ay nagkakamayan pagkatapos. Parte lang talaga ng laro ang pagiging mayabang. Isipin mo nalang na kung sa boksing, mananalo ka ba kapag hindi ka nanununtok? Ganyan din sa larangan ng battle rap. Importanteng may confidence ka.
5. Kasalanan ng mga organizer kapag late nagsisimula ang paligsahan
Sa bawat event poster ng FlipTop, palaging nakalagay kung anong oras magsisimula ang paligsahan. Hindi ito nasusunod madalas, pero walang kasalanan ang mga organizer doon. Tatlo o apat na oras palang bago ng mismong event ay nasa venue na ang bawat miyembro ng FlipTop staff. Kaya sino nga ba ang dapat sisihin kapag nagsisimula ng alas dyis o alas onse ng gabi ang event? Yung mga emcee na late.
Para siguradong wala nang magiging kompliksayon, hinihintay ni Anygma ang lahat ng mga emcee na kasali pati na rin yung mga magsisilbing hurado. Kaya kung mayroong hindi makakarating on time, mapipilitan talagang i-usog ang schedule. Sa mga battle rapper na mahilig magpa late diyan, magbago na kayo.
4. Si Anygma lang ang kumikita dito
Sa tuwing may battle na lumalagpas ng 1 milyong views o may paparating na malaking FlipTop event, madalas tayong makabasa ng mga komento na “magkaka pera nanaman si Anygma!” Oo, kumikita ang presidente sa kanyang pagpapatakbo ng liga, pero hindi lang sa kanya napupunta lahat ng pera. Binabayaran din niya ang mga kumukuha at nag-eedit ng videos, mga bouncer, mga nagbabantay ng entrance at merch, at siyempre mga emcees. Ang natitirang salapi naman ay para sa mga susunod pang event.
3. Sa battle rap lang nakatutok ang FlipTop
Itinayo ang FlipTop upang mas lalong mabigyan pansin ang hip-hop artists sa Pilipinas. Bagamat nakilala ito sa battle rap, marami rin itong mga event na nakatutok sa musika at iba pang element ng kultura. Isang magandang halimbawa nito ang Mindfields, kung saan nagtitipon-tipon ang mga battle emcee pati na rin ang mga hindi kasali sa liga upang magtanghal ng kanilang mga awitin. Simula nung 2017, wala na ring laban na nagaganap tuwing anibersaryo ng FlipTop. Ang gabing ito ay binubuo na ng mga matitinding sets mula sa DJ’s, beatboxers, breakdancers, at graffiti artists.
2. Dito nagsimula ang acapella format
Simula nung sumikat na ang liga, marami ang nag-akala na ito ang naka imbento ng pre-written at acapella format na laban. Sa katunuayan, mayroon nang mga ganitong klaseng duelo noong late 80’s pa sa Amerika. Mas lalo lang nakilala ang format na ito nung itinayo ang World Rap Championships at ang Universal Rap League. Sumunod na dito ang GrindTime, King of the Dot, Don’t Flop, at FlipTop. Mahaba ang kasaysayan ng battle rap, kaya kung may bakanteng oras ka, pag-aralan mo ito upang mas lalo mong maunawaan.
1. May mga laban na luto
Hindi ka man aktibong manonood ng FlipTop, malaki ang tyansang nakabasa ka na ng mga komentong nagsasabing “luto” ang laban. Madalas nababanggit ang salitang ito kapag may battle na tingin ng karamihan ay hindi karapat-dapat ang nanalo. Umaabot pa sa punto na tinatawag agad na bias o bayaran ang liga. Mayroon ding mga nagbabanta na hindi na raw sila manonood, ngunit patuloy pa rin namang nakatutok sa mga uploads.
Ang battle rap ay isang “subjective” na artform, sinumang mananalo ay base sa personal na pananaw ng hurado. Dahil iba-iba tayo ng opinyon, makakakita ka talaga ng mga resultang labag sa kagustuhan mo. Maaring tagahanga ka ng komedya na style, pero mas gusto ng mga napiling hurado ang seryosong mga banat. Sa madaling salita, kung tingin mo na daya ang isang engkwentro, sisihin mo ang mga bumoto sa kalabang emcee. Wala nang kinalaman ang FlipTop diyan.
Ngayong kilala mo na nang lubos ang liga, mas lalo pa sanang lumaki ang suporta mo dito. Abangan ang mga bagong videos at events na paparating. Siguradong magiging exciting ang taong 2018 para sa ating lahat. Hanggang sa muli, mga kapatid!