Kwento ng isang FlipTop fan tungkol sa pagpunta niya sa Second Sight 14!
Nung Sabado ay pumunta kami ng mga tropa at utol ko sa Second Sight 14. Excited kami dahil ito ang unang FlipTop event namin pagkatapos ng Ahon 14. Nabusy lang kami sa kanya-kanyang trabaho kaya matagal kaming hindi nakadalo ulit. Buti nalang at nung ika-26 ng Abril ay bakante kami lahat! Itinuring namin ito na sign na hindi dapat palagpasin ito. Syempre, puro Isabuhay battles pa ang nasa lineup kaya talagang kaabang-abang! Sa Metrotent Convention Center ang venue. Nakapunta na kami dito sa mga anibersaryo ng HIGH MINDS at dun palang ay sinabi namin sa isa’t isa na pang FlipTop talaga ‘to. Pupunta sana kami nung Bwelta Balentong 11 kaso ayun, hindi nagkasundo sa schedule. Nagka pasok ako bigla sa trabaho nun kainis! Etong Second Sight 14, sinigurado namin na tuloy na tuloy na!
Sobrang aga namin sa venue lol! Mga 1PM nandun na kami. Ganun kami ka-excited. Buti at malapit lang ‘to sa Robinson’s Galleria kaya tumambay muna kami dun. Bumalik kami bandang 4PM at nagsimula nang bumuo ang pila. Swerta naman kami at nakapasok kami agad. SVIP ang ticket namin at literal na kaharap namin ang stage! Isa pa palang perk ng SVIP ay may mga waiter na magdadala sa’yo ng foodtrip. Sulit talaga! Ayun, nung tumapak na si Anygma sa entablado, laking tuwa namin. Sa wakas, nakanood na ulit ng FlipTop.
Kung hindi niyo pa alam, grabe, bawat battle (maliban sa isa) ay dikdikan para sa’min. Kita mong pinaghandaan talaga ng emcees ang tournament na ‘to. Katana vs 3rdy ang unang laban at diyan palang ay bakbakan na. Digmaan ng creative na style breakdown at jokes ni Katana laban sa nakakabilib na wordplays at rap skills ni 3rdy. Ang hirap mamili ng klarong panalo pero sangayon kami sa desisyon. Sunod ay yung Manda Baliw vs Ban. Patok sa’mim yung komedya ni Manda at sunod-sunod ang punchlines niya habang grabe naman yung presensya ni Ban at mabisa ang pagbalanse niya ng katatawanan at rektahan. Dikit din ‘to pero lumamang talaga yung panalo dahil mas marami siyang pinakitang bago na tumatak talaga. Meron nag-choke sa K-Ram vs Kenzer. Sayang dahil may tsansa ring maging dikdikan pero buti at mahusay yung pinakita nung nanalo. Maraming mga jokes na kakaiba at hanep yung presensya hanggang sa huling segundo.
Isa ang Zend Luke vs Zaki sa pinakadikit na laban sa’min. Nakakamangha ang bokabularyo at konsepto ni Zend Luke habang epektibo naman ang teknikalan at jokes ni Zaki. Ito yung salpukan na nakadepende nalang talaga sa panlasa ng mga hurado. Purong lirikalan ang naging laro nila Carlito at Article Clipted. Maliban sa mga matatalim na salita at nakakamanghang tugmaan, parehas pa silang may sobrang lakas na delivery. Kahit sino pwede magwagi dito. Taas balahibo kami sa CripLi vs Empithri! Lahat ng jokes, teknikal, at personals ay nag-iwan ng marka at ramdam yung enerhiya ng dalawa hanggang ikatlong round. Sa’min ay tama naman ang desisyon PERO ang lupit pa rin ng pinakita ng natalo at siguradong mas lulupit pa siya pagkatapos nito.
Inaamin namin na nung una ay Lhipkram talaga kami laban kay Aubrey pero grabe, dikit yung laban nila! Parehas nagpamalas ng matinding well-rounded na materyal at talagang litaw ang kanilang kumpyansa. Karapat-dapat naman yung nanalo pero hindi kami magugulat kung pagdedebatihan ang resulta sa video. Dito na tayo sa main event, ang duelo nila Jonas at Saint Ice! Itong battle ay puno ng sobrang creative na jokes, makabagong wordplay at metaphors, pati mga hanep na anggulo. Maaaring ito yung pinakadikit na battle ng gabi, pero ang sigurado sa’min ay battle of the night ‘to!
Salamat sa FlipTop staff at syempre sa emcees para sa napakasaya na gabi. Ang lupit ng Isabuhay nung nakaraang taon at base sa mga napanood namin sa Second Sight 14, mukhang todo bakbakan din ang 2025. Kung ako sa inyo, manood na kayo nang live sa susunod. Natapos bandang 11PM yung event at nagkaroon pa kami ng oras makipagkwentuhan sa emcees at kapwa fans. Ang saya talaga! Isa pang dapat abangan din sa live ay yung set ni DJ Supreme Fist tuwing break. Halo-halong mga Pinoy hip-hop na obra ang nadiskubre namin sa tugtugan niya. Saludo! Susubukan rin naming makapunta sa mga susunod na Zoning.