Panibagong MC Spotlight ulit! Ngayon naman ay nakausap namin si Calix, isang makata na may pinaglalaban.
Sinabi noon ni Zack de la Rocha na “anger is a gift” (ang galit ay talento). Si Calix ang isa sa mga patunay na totoo ang kasabihang ito. Ginamit niya ang Rap upang labanan ang mga tingin niyang mali sa kapaligaran. Sang ayon ka man o hindi, walang makakatanggi na sapul ang mga mensahe niya. Sa kanyang agresibong pag-bigkas at mga matatalim na salita palang ay siguradong makukuha na ang iyong atensyon.
Hindi nag-tagal ay nagkaroon agad siya ng malaking following. Makikita mo ‘to sa kanyang live performances. Sa tuwing nag-tatanghal siya sa entablado, sinisigaw ng mga manonood ang mga linya niya habang nakikipag-slamman. Meron na siyang tatlong solo na proyektong nilabas, at bawat isa ay nakatanggap ng maraming positibong review. Mas kilalanin pa natin si Calix dito sa panibagong kabanata ng MC Spotlight.
1. Kailan ka nag-simula maging emcee?
2009-2010 ako nag simula. "Nemesis Q" pa ang emcee name ko noon at ingles pa ang sinusubukan kong gamiting lenguahe. Nakapag-labas din ng dalawang mixtape, saka isang album ka-collab si KLMBRNG (na ngayon ay si skinxbones na). Nakapag-gig din isang beses. Pero wag niyo na hanapin yun haha.
2015,nag desisyon akong bitawan ang pag sulat ng ingles. Hindi talaga hiyang yung dila ko sa lenguahe. Binitawan ko na din yung Nemesis Q.
Sa gitna ng problemang pang personal, trabaho, at yung araw-araw na kagaguhan na nakikita natin sa daan. Nagsulat ako para mailabas ito, yun na yung Intro mula sa Breakout Satirist (2015). Unang kanta bilang "Calix".
2. Nanggaling ka sa eksena ng Rock, ano ang nag-tulak sayo para mag-rap?
Kahit noong aktibo pa ang banda ko, nag susulat na ako ng rap. Hindi lang kasing aktibo tulad ngayon. Sa spare time ko noon, madalas yun yung ginagawa ko.
Bata palang, mahilig na talaga ako sa musika. Kahit anong uri pa yan. Nagkataon sigurong napalibutan ako ng mga kaibigang hilig gumawa ng musika sa isang band setup.
Di narin malayo sa akin ang pag-rarap. Madalas kami ng mga kabarkada ko nung kabataan namin makinig at sumabay sa mga musika ng Bone Thugs n Harmony, Tupac, Three 6 Mafia, Ghetto Doggs, Death Threat, atbp.
Nung unang beses ko napakinggan ang Outakst at si Eminem, sabi ko sa sarili kong gagawin ko din ang pag ra-rap balang araw.
3. Ano ang kahulugan ng pangalan mong "Calix"? Bakit ito ang napili mo?
Sa totoo lang, Random Name Generator lang yan. hahhaa
Wala naman akong balak talaga lumabas noon at mag pakilala sa tao. Gusto ko lang mag sulat at mag labas ng kanta tungkol sa hinagpis ng isang ordinaryong tao.
4. Para sa mga hindi pa pamilyar sayo, ano ang kadalasang tema ng mga kanta mo?
Madalas tungkol sa hinagpis ng isang ordinaryong tao, at ang pag-laban nila sa pang araw-araw na pang-aabuso ng isang bulok na sistema. Kritisismo sa sarili, kritisimo sa iba.
5. Sino (local at foreign) ang mga nag-impluwensya sayo sa pag-rarap?
Foreign: Wu-tang Clan, Soulquarians, N.E.R.D., Odd Future, Raider Klvn, Team SESH, marami pang iba.
Local: BLKD, Pamilya Dimagiba, Loonie, Ghetto Doggs, Death Threat
6. Sinong producer(s) ang madalas mong makatrabaho? Ano ang nagustuhan mo sa mga beat niya/nila?
Serena D.C. Madalas kami nag kakaintindihan sa gusto naming tunog. Minsan para bang iisang tao lang kami.
7. Ano naman ang pinakaunang kanta na nadinig mo na nag-silbing inspirasyon sayo para pasukin ang hip-hop?
Hindi ko na maala sa totoo lang haha. Pero eto ang listahan:
Outkast - Ms. Jackson, So Fresh So Clean
Eminem - Stan
Dr. Dre - Forget About Dre
Bone Thugs n Harmony ft. Tupac - Thug Luv
Gorillaz - Clint Eastwood
Madvillain - Figaro
Tyler the Creator - French, VCR
8. Tatlo na ang nilabas mong solo albums: "Breakout Satirist", "The Lesser Of Your Greater Friends", at "Ikugan". Ano ang mga kwento dito?
In a general perspective, puwede mong ilugar yung mga album bilang:
The Breakout Satirist - Anti-Noynoy, Anti-Marcos
The Lesser of Your Greater Friends - Anti-Duterte, Anti Marcos
IKUGAN - Anti-Duterte
Pero kung papakinggan mo rin, naka-habi diyan ang kritisismo sa kahit anong eksena, ng inter-personal relationships (pang romansa, kaibigan, kapamilya, etc.), at ng kapitalismo.
9. Ano ang nirerepresenta mong grupo o kolektibo? Paano ito nabuo?
NoFace Records. Hindi ako kasama noong ito ay nabuo, pero mga kaibigan ko din ang nag simula noon. Yung mga unang miyembro ay sina skinxbones, Mocksmile, at Knife.
Sumali lang ako sa hanay nila noong panahon na nilalako ko yung TLOYGF sa mga independent label, walang gustong kumuha. Madalas ko naman sila (NFR) kasama, so nag presenta na ako. Tinanggap naman nila ako.
10. Para sayo, malakas ba ang Philippine hip-hop ngayon?
Ang lakas-lakas umaabot na sa point ng saturation. Pero ayos lang. Ibalik ang kamandag ng underground, ika nga.
11. Alam ng karamihan na outspoken ka pag-dating sa galawan ng eksena. Para malinaw sa lahat, ano sa tingin mo ang mali ng ibang mga artist o sa eksena mismo?
Masyado tayong lahat nag mamadali. Nag mamadali sumikat, nag mamadali maka-angat. Fast-food, fast-art. Unhealthy.
12. Aktibo ka rin bang sumusubaybay sa battle rap? Sino ang mga battle emcees na hinahangaan mo ngayon?
Hanga ako sa mga pambato ng Gapo, sina Lanzeta at Invictus. Kay Marshall Bonifacio, at kay Tatz Maven din. Magaling na pero gumagaling padin si Emar Industriya, mabuting antabayanan din yun.
13. Posibleng kayang sumabak din si Calix sa FlipTop balang araw?
Pwede naman, kung handa na. Malayo pa yun. Mas nakatutok pa ako sa paglaban sa karahasan ng sistema.
14. Ano ang mensahe mo sa mga taga hanga mo pati na rin sa mga nagsisimula palang mag-rap?
Sa mga sumusubaybay, maraming salamat.
Sa mga nag babalak mag rap, basta sigurado sila. Tuloy niyo lang.
Abangan niyo nalang ang iba pang detalye tungkol sa mga paparating na proyekto niya sa kanyang Facebook page. Labas na rin pala ang kanyang bagong EP na pinamagatang “Crash And Burn”. Mapapakinggan niyo na ito sa Spotify. Salamat sa pag-basa at sana ay mas lumakas pa ang pag-suporta niyo sa local underground hip-hop.