General

“Unang Banat Kay…”: 12 Tips Para Sa Mga Baguhang Battle Emcee

Ito ay para sa lahat na sasabak palang sa entablado ng battle rap. Sana isapuso niyo ang bawat isa!

Anonymous Battle Emcee
November 12, 2021


   Dahil papalapit na nang papalapit ang susunod na Process of Illumination, ito ang tamang panahon upang magbigay ng gabay sa mga panibagong makatang mandirigma. Hindi ka man sasali sa tryout ngayong taon, ang piyesang ito ay maari pa ring makatulong sa iyong pag-angat. Tandaan na malayo sa madali ang pagiging isang battle emcee, kaya kung ika’y determinado talaga, dapat mong isaulo ang mga nakalista dito. Maliban sa pagbuo ng mga berso, tatalakayin din ng listahang ito ang buhay sa likod ng entablado. Klaro ba? Magsimula na tayo…

12. Panatilihin ang kumpiyansa

   Normal ang pagiging kabado lalo na kapag unang beses mo palang sumabak sa laban, ngunit kung hahayaan mo itong manaig, magiging dehado ang sitwasyon mo. Kung tingin mo na talagang solido na ang iyong mga bara, huwag na huwag kang mahihiyang ibigay ang isang daang porsyento mo. Hindi porket malupit na ang mga linya ay magwawagi ka na agad. Kailangan mo rin ng angas sa pag-bigkas upang mas lumakas ang impact. Malinaw naman diba? Kapag nagbitaw ka ng brutal na rima tapos boses mo ay parang gumagawa ng lab song, wala ring bisa. Huminga nang malalaim, huwag isipin ang reaksyon ng tao, at burahin ang sumpa ng kaba. “Confidence is key” ika nga nila.  

11. Alamin ang kasaysayan ng eksena

   Hindi FlipTop ang nagimbento ng battle rap. Matagal na itong nabubuhay, mula nung bata pa ang hip-hop. Bilang emcee, dapat mong pag-aralan ang kasaysayan nito upang mas lalo mong maunawaan at maintindihan. Sa ganitong paraan mo malalaman na hindi lang sa simpleng pang-iinsulto nakasentro ang lahat. Panoorin mo yung mga labang may kasama pang beats hanggang sa pag-usbong ng acapella format, diyan mo matututunang bumuo ng sariling istilo mo.

10. Huwag sumabay sa agos

   Paano nga ba maging standout sa FlipTop? Simple lang, magiging kakaiba ka. Kung sasabay ka lang sa uso, hindi ka makakatulong sa ebolusyon ng liga. Mawawala na ang “element of surprise” kung pare-pareho nalang ang mga emcee. Magpakita ka ng panibagong uri ng lirisismo o pag-bitaw ng kataga. Mapa “bars” o “jokes”, dapat ay may ihanda kang hindi pa naririnig ng iba. Doon ka lang magmamarka. 

9. Huwag makulong sa battle rap lamang

   Ilang beses na itong sinasabi ni Anygma online pati sa mga events: ang battle rap ay “slam dunk” contest lamang. Ang layunin pa rin ng FlipTop ay mas lalo pang palakasin ang musikang hip-hop sa Pilipinas. Pagkatapos mong makipag bakbakan sa entablado, ipamalas mo ang iyong talento sa pag-gawa ng mga awitin. Makalipas ang isa o dalawang dekada, malaki ang posibilidad na mas maaalala pa rin ng mga tao ang iyong mga kanta kaysa sa mga battle. Kung ikaw ay kulang sa resources pagdating sa recording o beats, huwag mahiyang humingi ng tulong sa mga kapatid sa eksena.  

   Ang pakikinig ng iba’t ibang mga obra ay makakatulong rin sa iyong mga laban. Magandang halimbawa nito ay yung ginawa ni BLKD nung nakatapat niya sa 2khelle. Nagsilbing inspirayon ang kanta ni Jay-Z na pinamagataang “22 2’s” sa kanyang iskema sa unang round. Nilagyan ni BLKD ng sarili niyang istilo at ito ay gumana. Garantisadong may mga mapupulot kang mga aral sa pakikinig ng mga luma at bagong album.  

8. Iwasan ang comments section, makinig lang sa constructive criticisms

   Mula YouTube o Facebook, minsan nalang tayo makakita ng mga matitinong komento. Ang mga nababasa nalang natin ay kutya sa itsura ng emcee o kaya naman paninira na wala nang kinalaman sa laban. Uso na din ngayon ang mga komentong pang kalokohan lang, kadalasan ay nakukuha sa mga kumakalat na “memes”. Bagama’t nakakatawa ang mga ito, minsan ay nakakasira din sa mismong battle. 

   Upang hindi mawala ang focus sa iyong galawan, mas mabuti nang umiwas sa mga online comments. May tsansang makakakita ng mga salitang magpapakulo sa dugo mo, lalo na yung panlalait ng mga wala namang alam sa hip-hop. Pagdating sa kritisismo, mas makabuluhan ito kung manggagaling sa iyong kapwa emcee o sa isang matagal na sa industriya. Tanggapin mo ang sibilisadong at konstruktibong puna at balewalain ang mga nagpapapansin lamang. 

7. Huwag gayahin ang mga idolo

   Marangal ang pagbibigay pugay sa iyong mga iniidolo, ngunit kung gagayahin mo lang ang kanilang istilo, doon ka babagsak. Si Apoc na mismo ang nagsabi sa isa niyang kanta:

“Masaya pag ang lebel ni idolo’y nasabayan

Pero hindi mo lang alam na kaya mo na lagpasan

Ang iyong idolo gamit ang sarili mong kakayahan

Kaya sa entablado pag ikaw na ang bumibitaw

Ang naririnig ko idolo mo hindi ikaw”

   Originality ang isa sa pinaka mahalaga sa larangan ng battle rap, kaya iwasan mong tumira sa anino ng ibang tao kahit tinitingala mo siya. Hindi ba’t mas masarap pakinggan ang “galling mo talaga” kaysa sa “katunog mo si (idol mo)”? 

6. Aralin ang sining ng “freestyle”

   Alam na nating lahat na ang modernong format ng battle rap ay written, pero hindi ibig sabihin na dapat kalimutan na ang freestyle. Kung hindi mo pa alam, lahat ng mga laban bago umusbong ang liga ay may kasamang beat at puro on-the-spot lamang. Ang pagiging mahusay sa freestyle ay magliligtas sa iyo mula sa pag-choke sa mga duelo. Magbibigay rin ito sa iyo ng abilidad mag-rebutt. Panoorin niyo yung engkwentro ni Dello at Target. Walang duda na matindi ang baon ni Target, ngunit ang mga matitinding rebutt ni Dello ang nagpapanalo sa kanya. 

5. Ilagay sa lugar ang yabang

   Bilang isang battle emcee, kailangan mo talaga ng konting yabang sa katawan. Parte ito ng sinasabing confidence sa ikalabing dalawa sa listahan. Ganunpaman, mayroong din dapat itong limitasyon. Huwag umasta na alam mo na ang lahat dahil kabilang ka lang sa FlipTop. Tandaan na habang buhay tayong magiging estudyante sa kultura. Buksan ang isipan sa mga konstruktibong kritisismo at bigyang halaga ang mga bago mong matututunan.  Kung talagang bilib ka sa iyong galing, ipakita mo nalang lahat sa entablado. Hindi mo na kailangan manghila pa ng iba pababa. 

4. Huwag isipin na sisikat ka agad

   Nasa FlipTop ka na at mapapanood ng milyun-milyong katao. Kung ang unang mong sasabihin ay “sisikat na ako”, nagkamali ka na ng landas. Sa larangang ito, kailangan mo munang dumaan sa ilalim upang umabot sa itaas. Huminahon ka lang at huwag magmadali sa pag-angat ng iyong ranggo. Tanggapin mo lang ang sinumang kalabang ibibigay ni Anygma sa iyo, kahit hindi pa matunog ang pangalan niya. Malay mo, iyon na ang pagkakataon mong makilala ng madla. 

3. Respetuhin pa rin ang kalaban 

   Hindi ibig sabihin nito na yakapin mo ang kalaban mo sa kalagitnaan ng duelo. Ang respeto na tinutukoy dito ay yung pagiging sibilisado. Habang bumibitaw ang iyong katunggali, manahimik ka lang at huwag ka nang sumabat. Pwede ka naman bumawi sa mga masasakit na salita kapag round mo na. Isipin mo nalang na madaming tao ang nagbayad para makapanood ng maayos at malupit na laban. Huwag mo nang sirain ang gabi sa pagiging bastos.

2. Praktis! Praktis! Praktis!

   Sa wakas, nakatapak ka na sa entablado. Paano mo makakamit ang panalo? Mag-ensayo ka. Maglaan ka ng oras para kabisaduhin ang iyong mga sinulat at gawing flawless ang delivery mo. Hasain mo rin ang iyong freestyle skills dahil ang pag-choke o stumble ay dumarating nang hindi mo inaasahan minsan. Sapat na siguro ang 3 o 4 na oras na praktis, pero siyempre, dapat tutok ka dito. Walang silbi kung nag-eensayo ka habang ika’y online o naglalaro ng video games. 

1. Mag-enjoy ka lang

   Matindi ang kompetisyon sa battle rap, pero sa kabila ng lahat, ginagawa natin ito dahil dito tayo masaya. Kaya i-enjoy mo lang ang iyong mga laban at huwag magpadala sa pressure. Iwan mo na yung stress na yan sa bahay, opisina, o paaralan. Kung sakaling matalo ka, madali lang naman makabawi. Iwasan mo rin ang pagiging pikon. Anuman ang sabihin sayo ng katapat mo, iyon ay parte lamang ng laro. Sa boksing at MMA nga ay nagkakamayan sila pagkatapos magbugbugan, sa rap pa kaya?

   Sana ay makatulong ang listahang ito sa mga papasok o nangangarap pumasok sa battle rap. Sa mga kasali sa susunod na tryout, goodluck sa inyo at bigyan niyo ng magandang palabas ang mga tao. Ikinagagalak namin kayong makilala. FlipTop mag-ingay! 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT