Zoning 17 na! Pagusapan natin ang matinding lineup nito.
Pagkatapos ng napakasolidong Won Minutes Luzon 2 ay babalik ulit ang liga sa main stage para sa Zoning 17! Ito ay gaganapin sa ika-1 ng Hunyo 2024 sa Makati Central Square. Merong dalawang laban para sa Isabuhay at anim na non-tournament battles. Base sa lineup, mukhang maraming iaalay na surpresa ang gabing ‘to.
May ilang linggo pa bago ng event kaya habang naghihintay tayo ay pagusapan muna natin ang bawat duelo. Kung meron kayong sariling mga prediksyon, huwag mahiyang ipamahagi ito sa comments section. Magsimula na tayo…
Lhipkram vs SirDeo
Ito na yata ang pinaka kakaibang matchup sa FlipTop pero aminin niyo, nakakaintriga diba? Parehas nagtagumpay nung huling Ahon, at garantisadong buhay ang crowd pag nasa entablado sila. Kung usapang tugmaan at mga metapora, dito lamang si Lhipkram. Mas lalo pang lumakas ang pagiging well-rounded niya at hindi mapagkakaila na epektibo lagi ang pinipili niyang mga anggulo.
Sa komedya at gimmick naman liyamado si SirDeo at malamang ay may ipapakita nanaman siyang hindi natin inaasahan dito (huwag lang sana yung parang sa Ahon 13 ulit lol). Ilang beses na rin niyang pinatunayan na kaya din niyang sumabay sa seryosohang mga linya. Kaabang abang ‘to!
G-Clown vs Vitrum
Ito ay para sa quarterfinals ng 2024 Isabuhay Tournament. Matindi yung pinakita ni G-Clown sa unang round at mukhang nag-wa-warm up palang siya. Wag na tayong magulat kung mas totodohin pa niya dito. Maliban sa matinik na flow at delivery, walang duda na ang bangis din ng kanyang sulat at konsepto. Mapa teknikal, komedya, o pareho, makakaasa ka ng hanep na performance mula sa kanya.
Si Vitrum ang isa sa pinaka nag-improve na emcees nung nakaraang taon at nung unang round ng torneo ay mas lalo pa siyang lumakas. Gaya kay G-Clown, mukhang ibibigay ni Vitrum ang lahat dito at marami pa siyang mga pang gulat para satin. Oo, nananatiling solido siya sa teknikalan pero ibang klase na din ang kanyang komedya pati presenya. Bakbakan ‘to!
SlockOne vs Ruffian
Para ulit sa quarterfinals ng Isabuhay ‘to. Grabe ang ebolusyon ni SlockOne bilang battle emcee. Hindi lang siya sa pagpapatawa epektibo ngayon kundi pati sa purong letrahan at agresyon. Dahil tournament battle ‘to, siguradong lulupitan pa ni SlockOne ang kanyang balanse na stilo. Marami na siyang pinatahimik na haters at may tsansang madadagdagan pa.
Isang taon palang si Ruffian sa FlipTop pero nag-iwan na agad siya ng marka! Base sa performance niya sa unang round, malaki ang posibilidad na makuha niya ang kampeonato. Nananatili siyang delikado pagdating sa teknikalan at wala siyang bahid ng kaba kapag tumatapak sa entablado. Nakaka excite makita kung anong gagawin niya sa quarterfinals. Kung parehas silang preparado, matik na kandidato ‘to para sa battle of the night.
Yuniko vs Saint Ice
Lirikalan ‘to! Nagbabalik si Yuniko sa FlipTop pagkatapos ng halos dalawang taon. Hindi maitatanggi na isa siya sa malupit pagdating sa wordplays at delivery at dahil matagal siyang walang laban sa FlipTop, malamang ay totodohin niya dito. Si Saint Ice, na dating kilala bilang Ice Rocks, ay naging aktibo ulit sa liga makalipas ang lagpas isang dekada. Kita naman ng lahat ang kanyang matinding improvement sa Won Minutes Luzon at mga underground na liga. Ngayong nasa main stage na ulit siya ng FlipTop, asahan niyo na mas lulupitan pa niya. Walang duda na nakakamangha ang kanyang mga metapora, reference, at tugmaan.
Katana vs Meraj
Dalawang bigatin sa larangan ng underground battle rap ay magtatapat na sa wakas sa FlipTop. Nakilala sila Katana at Meraj sa kanilang kakaiba pero patok na stilo ng komedya at creative na mga bara. Nakakabilib yung pinamalas nila sa Won Minutes Luzon at malamang ay hihigitan pa nila sa Zoning 17. Mas lamang siguro si Meraj sa teknikalan habang sa jokes naman mas nananaig si Katana. Ganunpaman, mahirap pa rin I-predict ito lalo’t parehas silang unpredictable umatake. Excited kami dito!
Negho Gy vs Antonym
Parehas lirikal pero magkaiba ang paraan ng pamamaslang. Mas balagtasan ang atake ni Antonym habang wordplays at tugmaan naman ang armas ni Negho Gy. Kung hindi sila magpapabaya, maaaring makakita tayo ng dikdikan na lirisismo. Bahagi din sila ng Won Minutes Luzon at sa mga hindi pa nakakapanood sa mga laban nila, simulan niyo na ngayon at siguradong mamamangha kayo. Ngayong nasa main stage na sila, tiyak na lalakasan pa nila.
Frinze vs Hespero
Galing din silang Won Minutes Luzon at nagiwan ng marka sa mga underground na liga. Halos pantay lang sila Frinze at Hespero kung pen game ang paguusapan. Parehas silang mahusay sa pagbalanse ng solidong teknikalan at epektibong jokes at nakakabilib ang kani-kanilang rhyme schemes. Siguro ang magwawagi dito ay yung may mas malakas na presensya. Humanda sa posibleng dikdikan na duelo mula una hanggang huling round.
Caspher vs Andros
Sila Caspher at Andros ay nagpakitang-gilas din sa Won Minutes Luzon at kilala sa eksena ng underground battle rap. Ngayong nasa main stage na sila ng FlipTop, kaabang-abang ang mga gagawin nila. Pareho silang malupit sa rhyme schemes at sa paghalo ng katatawanan at mga barang pang bakbakan. Medyo mas nakakalamang si Andros sa jokes habang sa teknikal na atake naman si Caspher pero gaya ng ibang laban dito, expect the unexpected! Kung ito ang unang laban ng gabi, siguradong magiingay agad ang crowd.
READ ALSO: Updated 2024 Isabuhay Predictions (Mula Sa Fans)
350 pesos ang halaga ng pre-sale tickets habang 500 naman para sa walk-in. Mag-PM lang sa pahina ng FlipTop sa Facebook kung nais mong bumili. Nagpopost din sila diyan ng iba pang mga mapagbibilhan ng pre-sale. May kasama nga palang isang libreng FlipTop Beer ang ticket. Sulit na sulit diba? Oh, pano? Magkita-kita nalang tayo sa Hunyo 1 para sa Zoning 17! Imbitahin mo rin ang mga tropa at pamilya.