Hook:
Lingon sa simula
Lahat ay tinugma
Kahapon at ang bukas
Ang lason at ang lunas
Lingon sa simula
Lahat ay tinugma
Pag-ibig at pait
Sa sining nasagip
Verse 1:
Nagsimula nung nagdilim ang daigdig
Aking tula ang nagsilbing mga pintig
Sa hawlang kinalawang na nayupi sa dibdib
Sa bawat linya, lumuwag ang lubid sa leeg
At ako’y nakahinga, nabawasan ang bigat
Nagliwanag ang tinta, natamaan ng kidlat
Nabighani sa tunog, tumugma nang tumugma
Nagbahagi ng kulog, sumulat kahit tulog na
At kahit panaginip, sinisilip, di tahimik
Pinipilit na isingit mga titik saking isip
At pag-gising, maghuhukay sa ala-ala
Kung ginto man yan o putik, patuloy na magsasala
At di na inaalala ang dumi saking kuko
Ang kawalan ay kawalan kung hindi ka bubuo
At kahit na tapakan at basagin salamin
Kung hindi masusugatan ay hindi rin gagaling
Repeat hook
Verse 2:
At nagdaan ang panahon, mas lumalim ang balon
Ngayon ay tandang padamdam ang dating tandang pananong
Mga butil nagkaron, pinagbuti pagbaon
Sa ganon mga binhi naging gubat sa garapon
Madaming patapon, isinaboy dun sa lupa
Nagmistulang pataba at ngayon ay nagkukusa
Magtanim nang magtanim, maghapon na nakaupo
Papel lamang at panulat ang nasa dayalogo
At ako, hanggang makabuo ng katalogo
Nangangarap na anihin lahat ng mga buto
At kahit na iilan pa lamang ang nakikisalo
Bawat tengang nakinig pumapawi sa aking pagod
'lam mo yan, ‘lam nila, iba ang aking timbangan
Walang planong lumubog kahit di na masikatan
Darating ang aking araw kahit na maalinsangan
Umulan o bumagyo, may isisilang sa Silangan
Repeat hook:
Outro:
Lingon sa simula
Nung unang hakbang mo palang
Lahat ay tinugma
Pataas man o pahalang
Kahapon at ang bukas
Ay parehas lang yan malamang
Ang lason at ang lunas
Maghahalo pa rin sa laman
Lingon sa simula
Nung unang hakbang mo palang
Lahat ay tinugma
Pataas man o pahalang
Pag-ibig at pait
Sa sining nasagip