Kumusta yung pinakaunang Second Sight event? Isang fan ang magkwekwento sa’tin!
Alalang-alala ko pa nung March 19, 2010 nang tawagan ako ng tropa ko (itago nalang natin sa pangalang Roberto). Pauwi ako galing trabaho nun nung tumunog yung selpon ko bandang Guadalupe Station ng MRT. Nagyaya si Roberto sa isang event daw sa Makati. Tinanong ko kung ano meron at ang sabi niya may “rap battle” daw. Na-curious ako bigla, tinanong ko “may ganun pala dito?” Sa totoo lang, ang alam ko lang na battle noon ay yung sa 8 Mile na pelikula ni Eminem. Nakikinig naman ako sa hip-hop pero di ako gaanong pamilyar sa mundo ng battle rap. Musika lang talaga yung hilig ko. Ayun, tinanggap ko yung imbitasyon ni Roberto dahil marami rin sa tropahan namin ang sasama. Tamang unwind lang din pagkatapos ma-stress sa otrabs.
Eto na! March 20 na ng taong 2010. Uminom muna kami sa bahay ng isa pang tropa kaya medyo tipsy kami pagdating sa Makati. Buti nawala yung tama nung kumain kami sa KFC. Pagdating namin sa B-Side ay nagsimula na pala yung programa pero hindi yung mga laban kundi mga performances ng Schizophrenia at ni NothingElse. Natuwa naman kami dahil dalawang magkaibang stilo ng hip-hop pero parehong malupit tumanghal ang napanood namin. Sayang at hindi namin naabutan yung video showing. Kwento ng isa sa nakilala namin sa crowd ay nagpalabas daw sila ng dokyumentaryo tungkol sa battle rap.
Hindi ko na maalala yung saktong order ng mga laban kaya ikwekwento ko nalang mga unang pumasok sa isip ko. Nung panahon na ‘to ay hindi ko pa alam yung modernong format kaya nagulat ako sa setup. Nagtaka ako bakit walang beat at parang pinaghandaan talaga yung mga naririnig kong linya. Dun na nga pinaliwanag ni pareng Roberto na ganito na daw ang bagong stilo ng battle rap. Walang beat at preparado ang mga rapper na sasalang. Syempre, mas mainam pa rin daw na marunong mag-freestyle para sa rebuttals at kung sakaling mawala sa berso.
Speaking of freestyle, dito nga pala ginanap yung Harlem vs Apekz. Surprise freestyle battle ito na kasama rin sa programa ng FlipTop. Sa gabing ‘to mismo sumali yung dalawang emcee kaya lehitimo na off-the-top ang mga ibabanat nila. Bakbakan yung laban at masasabi kong isa ito sa pinakadikit na salpukan sa buong gabi. Saludo kayla Harlem at Apekz. Alam naman natin na todo umangat sila pagkatapos nito.
Isa pang dikit na battle para samin ay yung Cameltoe vs Dhictah. Una sa lahat, grabe si Cameltoe sa live. Ang sakit ng tiyan namin sa kakatawa at walang ka-filler filler ang mga linya niya. Nagpakita rin siya ng dark humor na sa sobrang creative ay tatawa ka agad kahit sobrang sensitibo ng materyal. Tingin namin ay underrated ang performance ni Dhictah dito. Siguro dahil masyado siyang seryoso pero hindi mapagkakaila na matalas ang bokabularyo pati delivery niya. Sunod-sunod din ang punchlines niya dito. Nalamangan lang siguro siya ni Cameltoe sa crowd control at sa mga rektahang bara.
Ang pinakadikdikan talaga ay yung Batas vs Dello. Eto ang literal na style clash! Epektibong komedya at multis ni Dello laban sa agresyon at magagaspang na kataga ni Batas. Kahit ako ay nagulat sa mga sinabi ni Batas dito lalo na’t hindi ako gaanong exposed pa sa ganitong larangan. Oo, napanood ko yung mga eksena sa 8 Mile pero kung usapang durugan, mas matindi mga binanat ni Batas. Para samin ay diyan pati sa presensya talaga siya lumamang. Ganunpaman, todo namangha pa rin kami sa pinakita ni Dello. Benta yung mga jokes niya, mahusay yung stilo ng kanyang tugmaan, at tumatak ang kanyang rebuttals. Instant classic ‘to!
Yung ibang mga laban sa poster ay sobrang one-side pero buti nalang at ibang klase yung pinakita ng mga nanalo. Dito palang ay alam na naming todo aangat si Loonie hindi lang sa liga kundi pati sa buong eksena ng musika. Nagpaulan siya ng mga solidong punchlines at kakaibang experience yung marinig ang multisyllabic rhyming niya. Well-rounded na stilo ang pinamalas ni Target laban kay Luke. Nagustuhan namin yung swabe pero delikado niyang delivery at magpatawa man siya o magseryoso ay napa react niya kami nang todo. Una kong nadiskubre yung subgenre na horrorcore pagkatapos mapanood yung Plazma vs Apoc. Sayang at hindi maayos yung performance ni Apoc pero ayos lang dahil nakabawi naman siya nung 2011. Sabay na gulat at mangha yung naramdaman namin sa mga brutal na rounds ni Plaz. Tama lang din para samin na hindi na inupload yung rounds ni Dimebag Daryl laban kay Tim dahil nagchoke siya nang ilang beses at yung mga linya na binanat niya ay hindi talaga tumama. Si Tim naman ay consistent, may kumpyansa, at mahusay sa pag-balanse ng freestyle at written.
WATCH: Second Sight
Pagkatapos ng Second Sight 1 ay opisyal na akong naging fan ng FlipTop. Hindi ko rin alam na iuupload pala nila sa YouTube yung mga laban kaya tuwang tuwa ako nung nakita ko yung channel nila. Mula nun ay sinigurado namin na kung hindi kami busy ay manonood kami live. Hanggang ngayon ay magkakasama pa rin kaming pumunta sa events ng FlipTop. Dahil sa liga ay mas lumakas pa ang samahan namin. Maraming, maraming salamat sa staff at syempre sa mga emcees na bumubuo nito. Asahan niyong aktibo pa rin kami sa pagsuporta ngayong 2025!