Behind The Sound

Behind The Sound: KMG

Kausapin natin ang isa sa mga producer ng Uprising na si KMG. Ito ang segment na pinamagatang Behind the Sound!

Anonymous Staff
November 11, 2021


Naka trabaho na niya ang ilan sa mga bigating emcee sa underground, at marami na siyang nailabas na beat tape. Maliban sa pagiging malupit, kilala rin siya sa kanyang sipag sa pag likha ng tunog. Halos kada linggo ay nakakagawa siya ng higit sa dalawang instrumental. Mapa boom bap o trap, siguradong mapapatango ka pag tumunog na ang mga obra niya.

Mula Bicol at parte ng Uprising at Promdi Collective, mas kilalanin natin ngayon si KMG. Alamin natin kung ano ang nag tulak sa kanya para mag produce, paano nabuo ang album nila ni Dhictah, at marami pang iba. Ito ang pangalawang kabanata ng Behind The Sound!

1. Kailan at paano ka natutong gumawa ng beats? Eto na ba gusto mong gawin simula nung namulat ka sa hip-hop?

Highschool ako non nung may nabili ako na cd sa PS1 yung MTV Music Generator. Gamit ang controller nakakagawa na ng beat. Namangha na ako non tapos year 2009 ata sa Solar tv may pinapalabas na “HipHop Nation”. Doon ko napapanuod mga producers at mc's. May mga nabanggit dun na mga computer programs like Reason and Fruity loops. Naghanap ako ng pwede nun madownloadan hanggang sa may nagpasa sakin ng installer si Kuya Dan na isang mc sa lugar namin. Tinuruan niya ako magproduce gamit FL Studio hangang sa pinahiram sakin ni Alken yung MPK49 nya. may pinahiram din sakin na Akai XR20 si Julio. Dun ko pinagaralan finger drumming tapos pinahiram din ako MPC1000 ni Skratchwise. Halos lahat ng gamit ko dati hirama lang, wala kasi ako pambili haha. Gumagawa ako dati ng mga rap kasama ang MNK Krew kaso mas trip ko talaga ang pag produce ng beats.

2. Anong kanta (local o foreign) ang nagsilbing inspirasyon sayo bilang producer? (pwede magbigay ng higit isa)

Mga tracks nina Pete Rock and CL Smooth, yung "Microphone Wanderlust" ng InI, "Who got the props?" ng Black Moon, "Operation Lockdown" ng Heltah Skeltah, "Cab Fare" ng Souls of Mischief. Ilan lang sa mga naalala ko na naririnig ko kasi dati sa mga soundtrack ng games sa PS1.

3. Sinong producer naman (local o foreign) ang nag-impluwensya sayo? (pwede rin magbigay ng higit isa)

Pete Rock, Nujabes, Dj Krush, Dj Cam, DJ Shadow, DJ Muggz, RZA, JDilla, Le Nonsense, DJ Arbie, Umph, Sloj, Red-I, Grap Luva, Damu, DJ Premiere, Freddie Joachim, King Tubby, Ras-G, Moki McFly, Caliph8.

4. Ano ang ginagamit mo sa pag-gawa ng beats? (MPC, Fruity Loops, Reason, atbp.)

Dati FL Studio or Ableton plus midi controller. MPC din dati. Ngayon ginagamit ko SP-606.

5. Ano ang proseso mo sa pag-produce? Ikaw ba yung gumagawa kahit wala pang artist na sasalang o may naiisip ka na agad na babagay sa instrumental?

Gawa lang ako ng gawa kahit wala pa artist. Narerelax kasi ako pagka may mga pinipindot sa machine.

6. Meron ka bang preference (boom bap o trap) sa tunog o depende talaga sa mood?

Nagdedeppende din sa mood. Gumagawa din ako ng trap pero kadalasan talaga boom bap.

7. Sa mga hindi pa nakakakilala sayo, maaari mo bang ibahagi dito ang ilan sa mga nakaraang proyekto mo?

Meron ako mga na produce na beats kay Mike Kosa at Toney Chrome. Meron din kami track ni Manoy Dash ang title ay “Bicol Express”. Meron din sa latest album ni Ejac. Yung "Mind Body and Soul" ni Peaceful Gemini. Syempre yung samin ni Dhictah. Sa album ni Plazma na The Impaler. Meron din ilang tracks sa album ni KJah na "Kamao ng Kankaloo" at sa album ng Serenata. Yung track ni Buqnoy na ang title ay "Nanlaban" at yung kakalabas lang na beat tape na “Underneath The Cranium”.

8. Maaari mo bang ibahagi sa amin ang kwento ng "Lalim at Karimlan" na album niyo ni Dhictah? Paano 'to nabuo?

Sa mga oras na yun naghahanap talaga ako ng isang mc na pwede ko makatrabaho sa isang album kasi isa rin yun sa bucket list ko. Minsan nabanggit sakin ni RastarDee na may kakilala daw siya na naghahanap din ng producer which is si Dhictah. Tapos nagusap kami thru Messenger kasi nasa Dubai siya nun eh, latag ng mga plano. Sakto din kasi may mga beats ako nun na nakahanda na kaya naging smooth yung proseso kahit thru FB Messenger lang ang palitan ng ideya.

9. Bakit mo naisipang ilabas yung "Underneath the Cranium" sa cassette imbis sa CD?

Maganda kasi memories ko sa cassette tape. Namimiss ko yung tunog, yung experience ng pag rewind gamit lapis haha. 

10. Ano ang masasabi mo sa local hip-hop ngayon, lalo na pag-dating sa production?

Mas mabilis ngayon at mas madali makakuha ng machine. Parang instant na lahat. 

11. Ano naman ang pananaw mo sa mga artist na gumagamit ng nakaw o downloaded na beat?

Para sakin ok lang din naman kung downloaded beat ang gamit pero mas madating at solid pagka exclusive ang beat. Masasabi mo talaga na sarili mong pyesa.

12. Nanonood ka ba ng FlipTop? Sino ang mga paborito mong battle emcee at ano ang mga paborito mong laban?

Yes po. Ilan sa mga battle emcee na inaabangan ko ay sina Batas, Apoc, Sak, Luxuria, Sayadd, Asser, Towpher. Sa ngayon trip ko yung laban ni Sak at Batas. 

13. Ano ang maipapayo mo sa mga nagbabalak pumasok sa beat making?

Siguro habaan ang pasensya, focus lang sa ginagawa tapos mag invest ng oras para mas maganda ang resulta. 

14. Bago 'to matapos, may mensahe ka ba sa mga sumusubaybay sayo? Atsaka ano ang mga parating mo na proyekto?

Ang masasabi ko lang ay salamat sa mga nakikinig sa gawa ko at sana suportahan natin ang mga local beatmakers/music producer. 

Sana abangan nyo rin ang upcoming projects namin sa Uprising at meron din ako tinatapos ngayon na beat tape sana suportahan nyo ulit.

I-like niyo lang ang pahina ng Uprising at Promdi Collective sa Facebook para maging updated kayo sa kanyang mga proyekto. Diyan rin kayo makakakuha ng physical copies ng album niya. Malaking shout outs kay KMG hindi lang sa pag bigay ng oras sa interbyu na ‘to, kundi pati sa malupit na musika. Patuloy nating suportahan ang ating mga beatmaker sa local hip-hop! Mapapakinggan niyo na pala ang pinaka bago niyang album na “The Odyssey” sa Spotify, Bandcamp, at iba pang streaming sites. Abangan din yung pangalawang LP nila ni Dhictah.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT