From A Fan's Perspective

From A Fan’s Perspective: Bakit Exciting Ang Gubat 14?

Bakit hindi dapat palagpasin ang Gubat 14? Eto ang paliwanag ng isang fan.

Anonymous Battle Fan
November 19, 2024


Gubat 14 na sa Sabado! Sa mga hindi pa nakakaalam, gaganapin ito sa Acacia Hall sa second floor ng IEC Convention Center. Gaya ng Pakusganay 8 ay may siyam na laban dito at yung isa ay para sa semis ng Dos Por Dos2 Tournament. Magiging makasaysayan nga ba yung gabi na ‘to? Dapat ka bang manood ng live? Oo! Hayaan niyo akong ipaliwanag sa inyo kung bakit.

Lumipat ako sa Cebu nung 2016 at mula nun ay napuntahan ko ang bawat event ng FlipTop dito. Totoo na malupit talaga ang crowd sa lugar na ‘to. Isa ito sa mga rason kung bakit gusto kong nanonood ng live. Mas naeenjoy mo talaga ang bawat battle kapag masigla at nagrereact ang audience. Ang dami ko rin naging kaibigan dito at sila na ang lagi kong kasama manood. Wag ka magalala kung mag-isa ka lang. Ganyan din ginawa ko nung una pero sobrang sulit pa rin. 

Kaabang-abang para sakin yung apat na laban sa baba ng poster. Sila ang nagrerepresenta ng bagong henerasyon ng liga ngayon. Oo, naka ilang duelo na rin si Chris Ace sa big stage pero matagal din siyang nawala. Bumalik siya ngayong taon at masasabi kong napakalaki ng inimprove niya. Excited akong marinig ulit ang mga baon niyang teknikal na bara. Kalaban niya si Castillo na siguradong gustong makabawi mula sa pagkatalo nung nakaraang Ahon. Ayos ang well-rounded na stilo niya kaya sana ay mas epektibo siya dito. Mukhang dikdikan ang Ban vs Kenzer dahil maliban sa komedya, magaling din silang dalawa sa mga rektahang bara at creative na anggulo. Labanan ng solidong tugmaan at balanseng sulatan ang inaasahan ko sa Mimack vs Barbarian at Nadnad vs Zero MB. Kung itodo nilang lahat, tiyak na solb na agad ang presyo ng ticket.

Sobrang nagustuhan ko yung Caspher/Hespero vs Kenzer/Mimack nung Bwelta Balentong 11 kaya naman mataas ang ekspektasyon ko dito sa Dos Por Dos2. Sa Gubat 14, ang magtatapat ay ang pares nila Negho Gy at Pamoso laban kayla Atoms at Cygnus. Napanood ko ang mga laban nila nung Won Minutes at trip na trip ko ang bagsakan nila. Kakaibang wordplays, hanep na rhyme schemes, at kalidad na delivery ang kanilang mga armas. Sigurado akong may mga ipapakita pa silang bago sa Sabado.

READ ALSO: Pre-event Review ng Gubat 14

Hindi man ako nakakaintindi masyado ng Bisaya pero alam kong maganda itong digmaan nila Zend Luke at Mistah Lefty. Fan ako ng music ni Lefty at kahit talo siya sa debut battle niya sa FlipTop, kita naman na marami pa rin ang humanga sa pinakita niya. Balita ko ay hindi rin siya nagwagi nung Pakusganay 8 kaya malamang ay gagawin niya ang lahat para makabawi dito. Alam naman natin kung gano kabangis si Zend Luke sa Tagalog. Ngayong lalaban siya sa kanyang katutubong wika, asahan niyong mas grabe pa siya dito. Sa mga Bisayang tropa ko diyan, kayo na bahala magpaliwanag sakin sa event hehe!

Malaki ang tsansa na maging battle of the night ang J-Blaque vs Kregga. Ibang klase ang pinakita nila sa kanilang nakaraang performances at malamang ay hihigitan pa nila ito. Mas may pagka leftfield ang atake ni Kregga habang mas derekta ang mga banat ni J-Blaque pero ganunpaman, kayang kaya nilang magpaka unpredictable sa entablado. Kaabang-abang ‘to! Ang tindi ng 2024 nila CripLi at Batang Rebelde. Mas lalo pang lumakas ang materyal nila at mas dumami pa ang tumatangkilik sa kanila. Deserve nila yan lalo’t lagi silang tumotodo sa battle. Magtatapat sila sa Gubat 14 at tingin ko ay magiging entertaining ito hanggang sa huling round.

Mukhang bakbakan itong magiging sagupaan nila Pistolero at Frooz. Nananatiling mabisa ang pagdissect ni Pistolero sa stilo at katauhan ng kalaban habang patuloy na lumalakas ang creativity pati rhyming ni Frooz. Isama mo pa ang matinding presensya nila sa entablado at siguradong makakakita ka ng hanep na palitan! Kapag binigay nila ang kanilang isang daang porsyento, instant classic ito. 

Ano? Pupunta ka na? Nasa post sa taas ang lahat ng mga detalye tungkol sa pre-sale tickets. Pwede ka din mag-PM sa Facebook page ng liga kung gusto mong bumili. Meron namang walk-in pero hindi ka rin makakasigurado dahil baka maubos na agad.  Kumuha ka na ngayon palang at magkita-kita tayo ngayong Sabado para sa isa na namang hindi malilimutan na Gubat. Kayo? Ano mga prediksyon niyo? I-share niyo lang sa comments section. 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT