Eto na ang ika-12 na Second Sight event. Pagusapan natin ang matitinding matchups!
Pagkatapos ng napaka solidong unang Won Minutes Luzon event ng taon ay babalik ulit tayo sa big stage para sa ika-12 na Second Sight. Gaganapin ito sa Marso 23, 2024 sa Tiu Theater sa Makati Central Square. Walong battles ang magaganap at anim dito ay para sa 2024 Isabuhay Tournament. Mukhang isa nanamang makasaysayang gabi ang maaasahan natin! May ilang linggo pa bago ang labanan kaya habang naghihintay tayo, pagusapan muna natin ang malupit na lineup.
M Zhayt vs Emar Industriya
Kung ito nga talaga ang main event ng gabi, pwes, kaabang-abang ‘to! Isang style clash na may potensyal maging battle of the night kung parehas magdadala ng kanilang A-game. Hindi maitatanggi na grabe yung ebolusyon ni M Zhayt bilang battle emcee. Na-master na niya ang pagbalanse ng stilo at talagang masisindak ka sa presensya niya sa entablado. Mataas ang ekspektasyon ng mga tao sa kanya dito kaya siguradong totodohin niya. Hindi basta-basta magpapatalo ang 2020 Isabuhay Champion!
Walang duda na malaki ang improvement ni Emar Industriya sa larangan ng battle rap. Kung dati ay tinutulugan siya ng tao, ngayon naman ay marami nang nakakaunawa sa stilo niya. Nananatiling matalas ang kanyang mga salita at konsepto na nagiging mas epektibo pa dahil sa unpredictable na delivery niya. Makakakita kaya tayo dito ng upset win? Kung hihigitan pa ni Emar ang nakaraang dalawang performances niya ay posible yan.
Apoc vs Ruffian
Isang up-and-comer at isang beterano pero parehas nirerepresenta ang purong lirikal na stilo. Tiyak na matutuwa ang fans ng solidong sulatan dito sa laban nila Apoc at Ruffian para sa unang round ng 2024 Isabuhay. Sa experience, syempre, lamang si Apoc. Unang taon palang ng liga ay kasali na siya at naging parte na siya ng ilang mga classic na duelo. Alam naman natin na kalidad ang kanyang pen game at pagbigkas at nayayari lang talaga siya sa choke. Dahil ito ay tournament battle, asahan natin na maghahanda si Apoc dito.
Grabe yung 2023 ni Ruffian. Naka apat na battle palang siya sa FlipTop pero nag-iwan na agad ng marka. Tumatak ang kanyang rhyme schemes at mga teknikal na banat. Ito ang unang sabak niya sa torneo kaya malamang ay mas totodo pa siya dito. Kung parehas magbibigay ng isang daang porsyento, garantisadong magiging dikdikan na battle ‘to.
Jonas vs Plazma
Pwedeng maging style clash pero pwede ring hindi. Nakilala si Jonas sa kanyang komedya habang sa mga brutal na bara naman si Plazma. Ganunpaman, napatunayan nila sa kanilang mga huling laban na kaya din nilang sumabay sa iba’t ibang istilo. Hindi malabong gawin din nila yan dito kaya humanda tayo sa isang unpredictable at sobrang entertaining na laban. Sa mga taga hanga ng well-rounded na battles, tiyak para sa inyo ‘to!
Marshall Bonifacio vs Vitrum
Puro 2024 Isabuhay battles na mula dito. Gaya ni Emar, ang tindi rin ng improvement ni Viturm sa battle rap. Nandun pa rin ang husay niya sa teknikalan at masasakit na punchlines pero mas gumaling na din siya sa crowd control at komedya. Dahil Isabuhay ‘to, wag tayong magulat kung mas grabe pa ang ipapakita niya dito. Syempre, wag niyang tutulugan si Marshall Bonifacio. Talo man siya sa nakaraang mga laban niya, marami pa ring bumibilib sa pen game at agresyon nya. Mukhang dito sa torneo na siya totodo talaga. Sana!
Sur Henyo vs JR Zero
Interesting na matchup ‘to! Parehas galing sa panalo at parehas may well-rounded na lirisismo. Lamang nang konti si Sur pagdating sa punchlines at agresyon habang sa flow at multis naman mas nananaig si JR Zero. Ganunpaman, Isabuhay ‘to kaya asahan natin na mas lulupitan pa nila dito sa lahat ng aspeto. Pwede ding maging mainit ‘to pagdating sa ilang mga anggulo. Kung walang magpapabaya, maaaring maging classic na lirikal na digmaan ‘to.
G-Clown vs Rapido
Pagkatapos magpakitang-gilas sa PSP, muling nagbabalik sa FlipTop si Rapido. Ang makakatapat niya sa first round ng torneo ay si G-Clown na malamang ay gustong makabawi sa kontrobersyal na pagkatalo niya nung nakaraang taon. Parehas silang nakilala sa solidong flow at siguradong makakakita tayo dito ng nakakabighaning rap skills. Medyo lamang si Rapido sa komedya habang sa teknikalan naman lamang si G-Clown. Maaaring isa ‘to sa pinaka dikdikan na laban ng gabi kung hindi sila magpapabaya.
SlockOne vs Class G
Kakaibang matchup din ‘to. Si Class G ang isa sa mga up-and-comer na nagpakitang-gilas nung nakaraang taon at eto ang unang beses niyang sasalang sa Isabuhay. Maraming humanga sa kanyang malakas na presensya sa entablado at mabisang paggamit ng mga wordplay at metapora. Mukhang dito sa torneo siya mas totodo lalo’t babawi siya sa pagkatalo niya nung Ahon 14. Kalaban niya sa Second Sight ay si SlockOne na unang nakilala sa jokes. Nung mga nakaraan niyang laban ay pinatunayan niya na kayang kaya din niyang bumanat ng malalalim na kataga. Asahan natin na dadalhin niya ang A-game niya dito.
Romano vs 3RDY
Gaya ni Class G at Ruffian, si 3RDY ay isa rin sa mga pinaka tumatak na rookie sa FlipTop nung 2023. Bumilib agad ang mga manonood sa kanyang matalas na delivery at pambihirang pen game. Hanep din dahil dalawa palang ang battles niya sa liga. Dahil unang sabak niya ‘to sa Isabuhay, tiyak na paghahandaan niya ‘to. Kailangan niya talaga maghanda dahil beterano ang katapat niya. Maliban sa klarong delivery at well-rounded na content niya, kilala si Romano sa kanyang mabangis na freestyle ability. Kaya niyang ipaghalo ang off-the-top at sulat na mga rima nang hindi nawawala ang pagiging epektibo. Ito ang pagbabalik niya sa liga kaya ganado siya!
READ ALSO: Let’s Take It Back: Second Sight 1
850 pesos ang presyo ng pre-sale ticket habang 1250 naman ang walk-in. Parehas itong may kasamang isang libreng FlipTop Beer. Mag-PM lang sa pahina ng liga sa FB kung nais mong bumili ng pre-sale tickets. Magpopost din dun ng mga detalye tungkol sa iba pang tindahan na kung saan ay pwede ka rin bumili. Kung nakabili ka na, magkita-kita nalang tayo sa Marso 23. Syempre, goodluck din sa mga emcees na kasali. Bigyan niyo kami ng matinding bakbakan!