Ito na ang unang FlipTop event ng taon. I-rebyu natin ang lineup ng Ahon 13 Day 3.
Eto na! Ang unang FlipTop event ng taong 2025. Binaggit dati ni Anygma sa isang interbyu na balak nilang gawin tatlong araw ang Ahon 15. Sa katapusan ng Disyembre dapat ito pero pinili ng buong staff na hindi muna ituloy para makapagpahinga at sulitin ang holiday season. Ngayong ika-29 ng Marso ay mangyayari na sa wakas. Gaganapin ang Ahon 15 Day 3 sa bagong venue: Events Pavilion sa 500 Shaw Zentrum sa Shaw Blvd, Mandaluyong.
May walong battles dito at kahit puro non-tournament ay hindi niyo pa rin dapat palagpasin. Gaya ng dati, habang hinihintay natin ang event, pagusapan muna natin ang matinding lineup! Bago tayo tumuloy ay rest in peace ulit kay Romano at Erlan. Pakikiramay sa mga naiwan nilang mahal sa buhay.
Sinio vs Poison13
Ang laban ng most viewed vs most consistent! Ibang klase yung pinakita ni Sinio nung Bwelta Balentong 11 at matagal tagal din siyang nagpahinga kaya asahan niyong totodo siya dito. Bagama’t kilala siya sa komedya, pinatunayan niya sa huling laban niya na kayang kaya niyang makipag basagan ng bungo. Hindi rin mapagkakaila na isa siya sa may pinaka matinding presensya sa entablado. Kaabang-abang ang gagawin niya.
Nananatiling aktibo sa battle rap si Poison 13. Sunod-sunod ang laban niya sa iba ibang liga at lagi siyang may pinapakitang bago. Nakilala siya sa kanyang sobrang well-rounded na pen game pati sa nakakasindak na agresyon. Siguradong maghahanda siya sa Ahon 15 Day 3! Kung A-game ang dalawang emcees, matik battle of the year candidate na ‘to agad.
Hazky vs SlockOne
Talo man sila sa nakaraang mga laban nila, wala pa ring duda na laging entertaining ang pinapakita nila sa entablado. Si SlockOne ang isa sa mga nagbigay buhay sa Isabuhay 2024 at malamang ay gusto niyang higitan pa ang mga dati niyang performances. Pwes, magkakaroon siya ng tsansa sa Day 3 ng Ahon 15. Mabisa ang pagbalanse niya ng teknikalan at komedya at epektibo din lagi ang delivery niya.
Gaya ni Sinio, sa komedya nakilala si Hazky pero ilang beses na niya pinatunayan na kayang niyang sumabay sa palaliman at purong lirikalan. Dahil well-rounded ang kalaban niya, kailangan well-rounded din siya at tingin namin ay gagawin niya ‘to. Parehas nagpakitang-gilas sa Isabuhay kaya mukhang dikdikan na laban ang mapapanood natin.
Plazma vs Emar Industriya
Wow! Para sa mga fans ng purong lirisismo, wag niyong palalagpasin ‘to! Talo si Plazma sa huling laban niya sa Second Sight 13 kaya siguradong hangad niyang makabawi nang matindi. Hinamon siya ni Emar dito at ngayong sinagot na niya, mukhang paghahandaan niya ‘to. Horrocore ang kanyang pinaka ginagamit na stilo pero natuto din siyang mag-eksperimento sa kanyang mga bara. Kung mas magiging unpredictable siya, maaaring makuha niya ang panalo.
Kaya ding mag horrorcore ni Emar pero mas nakilala siya sa kanyang matatalinhagang salita at konsepto. Mabibilib ka sa kanyang malawak na bokabularyo na sinisigurado niyang rekta pa rin sa kalaban. Basta’t naka A-game siya at magpapakita ng bago, sa kanya ‘to! Sana walang magpabaya dahil mataas ang ekspektasyon natin dito.
Rapido vs Mastafeat
Dalawang emcees na nagbabalik sa FlipTop! Mas matagal nawala si Masta sa liga kaya asahan nating totodohin niya sa Ahon 15 Day 3. Maliban sa bentang jokes niya, malakas si Mastfeat pagdating sa kumpyansa at freestyle ability. Kapag handa siya, siguradong entertaining ang performance niya hanggang sa huling round. Kaabang-abang ang ipapakita niya sa Marso 29.
Hindi man pinalad si Rapido nung Secong Sight 13, marami pa ring humanga sa comeback niya. Nananatiling matalas ang kanyang flow at mas naging creative siya pagdating sa mga linya at anggulo. Kung hihigitan niya yung huli niyang performance, siguradong tatatak siya sa mga tao. Sana maging solidong palitan ‘to.
Karisma vs Class G
Salpukan ng dalawang kampeon: Si Karisma sa PULO at Class G sa Motus. Marami na’ng nag-aabang sa duelong ‘to at sa wakas ay masasaksihan na natin sa Ahon 15 Day 3. Matagal-tagal din silang nagpahinga kaya wag na tayo magulat kung grabe yung ipapamalas nila sa Marso 29. Siguradong ganadong ganado ang mga ‘to! Parehas batikan sa teknikalan at style breakdown at laging malakas ang presensya sa entablado. Posibleng maging sleeper battle of the night ‘to.
Meraj vs Shaboy
Kakaibang matchup na sa FlipTop niyo lang makikita! Hindi man nanalo si Meraj sa mga huli niyang laban sa FlipTop, litaw pa rin ang husay ng sulat niya. Sana sa Ahon 15 Day 3 na siya makabawi. Sobrang creative na mga wordplay, metapora, pati anggulo niya at mabisa ang kanyang delivery. Kung kaya niyang mas higitan pa yung mga pinakita niya sa mga underground na liga, sa kanya ‘to! Alam naman natin ang kontrobersya kay Shaboy pero kung papanoorin mo siyang bilang emcee, alam mong malupit talaga siya. Hindi lang patok ang kanyang jokes. Kaya rin niyang sumabay sa lirikalan at litaw din ang kumpyansa niya. Dikdikan ‘to kung preparado silang dalawa.
Tulala vs Dodong Saypa
Syempre, meron ulit tayong style clash! Maaaring maging isa ito sa pinaka wild na style clash sa FlipTop. Si Tulala ay kilala sa kanyang leftfield na tugmaan at konsepto habang si Dodong Saypa naman sa kwelang mga bara at reference. Bagama’t magkaiba sila sa sulat, parehas silang sobrang creative sa paglikha kaya posibleng magpamalas sila ng mga bagong “meta”. Ito yung mga laban na kapag parehas tumodo yung emcees ay tiyak na mahihirapan ang judges!
R-Zone vs Ets
Parehas tumatak nung Won Minutes Luzon at sa Ahon 15 Day 3 ay unang beses nilang sasabak sa big stage. Kayang kaya nila R-Zone at Ets bumanat ng teknikalan, katatawanan, at rektahan na mga bara at klarong klaro ang pag-deliver nila ng mga ‘to. Hindi din ipagkakaila ang husay nila sa pagbuo ng mga tugma. Maaaring mas lamang si R-Zone sa wordplay habang sa anggulo naman si Ets. Ganunpaman, malaki ang tsansang maging unpredictable at instant classic ‘tong laban!
READ ALSO: From A Fan’s Perspective: Ahon 15 Highlights
Merong tatlong klase ng tickets para sa event: GenAd (850 pesos), VIP (1,250 pesos), at SVIP (1,750). Lahat ay may kasamang isang libreng beer. Mag-PM lang sa pahina ng liga sa Facebook kung nais mong bumili. Limited lang ang tickets kaya mas mabuti nang kumuha ka na ngayon. Kung meron ka na, kitakits tayo sa Marso 29 at sama-samang maging parte ng kasaysayan. Ahon 15 Day 3, mag-ingay!