Chorus:
Mula sa kailaliman kaya sagrado ang tula
Mula sa kailaliman kaya masahol ang dura
Mula sa kailaliman ang lahat to nagmula
Kaya sa kailaliman din matatapos ang dula
Verse 1:
Mula sa kailaliman kadiliman ang tanawin
Kung saan apoy at usok ang tinuturing sariwang hangin
Samutsaring elemento dito napagsasalin
Ng mga tagapag-Panday ng mga ginintuan na awit
Busilak na hangarin, nakakahiwa na dila
Diniligan tigang na lupa gamit bisa ng wika
Sa pagbunga ng adhika binalita sa Maynila
At nakalaya sa pagkaalila ang mga ligaw ang diwa
Ngunit may mga mahinang kundisyon ay kritikal
Nalason sa pagkonsumo ng produktong artipisyal
Tinuring ang lirikal na para bang kriminal
Manatili kang mangmang at ako’y tulo’y sa pagigimbal
Nakapulot ka ng hiyas sa kalsadang baliko
Sa paglipas ng panahon, nakitang kumupas lang ito
Kung palaisipan sa iyo kung bakit ka nabigo
Sa ilalim mo lang makikita ang tunay na ginto
Repeat chorus (2x)
Verse 2:
Tagisan ng husay, kiskisan ng sungay
Bitbit ko ang bandera namin hanggang sa aking hukay
Pagka’t higit pa ‘to sa sining o musikang makulay
Para sa mga tunay, ito’y paraan ng pamumuhay
Hahandusay mga bwitreng sa kornalina sumamba
Nakiani sa aming tanim na wala man lang pangamba
Pugot ulo sabay tuhog sa sibat ko na dala
Iwagayway ito sa rurok bilang babala
Mas malala ang pagsugal ng ilang mga kapatid
Na sumayaw sa tunog na dinikta ng mga matsing
Lasapin ang mabagsik na pag-ganti kong malagim
Pag ginilitan kita ng leeg gamit kinapitan mong patalim
Sa dwelo ng galing, malalagas ang angas
Ng mga haring impostor sa pangharabas ng mananabas
Tunay na karakas ay tatagas nang tatagas
Ako’y espada. kayo’y karayom. Magkaiba tayo ng talas
Sukat ang sirkumperensya ng aking nilalakaran
Bawat anggulo sa dayagolo ay aking pinagaralan
Mananatili sa ilalim hanggang sa aking kamatayan
Namamatay ang sundalo pero hindi ang pinaglalaban
(Namamatay ang sundalo pero hindi ang pinaglalaban)
Repeat chorus (2x)